LUNGSOD NG MALOLOS — Naaresto na ng kapulisan ang numero unong most wanted person ng lungsod dahil sa kasong pananaga at pagpatay sa isang lalake noong nakaraang taon
Naaresto nitong Lunes sa Batac City, Ilocos Norte ang wanted na si Larry Cantong Jr., 19, makaraan ang limang buwan na pagtatago.
Hindi na nakapalag pa nang arestuhin si Cantong sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong pagpatay kay Jayson Mendiola, 59, ng Barangay Look 2nd.
Ayon kay Col. Andrei Anthony S. Manglo, acting chief of police ng Malolos, naganap ang insidente noong October 6 ng nakaraang taon nang magtalo sina Cantong at Mendiola.
Sinita kasi ng biktima ang lasing na si Cantong dahil dumaan ito sa bakuran nila nang hindi nagpapaalam.
Ang pagtatalo ng dalawa ay nauwi sa pananaga ni Cantong at halos maputol na umano ang ulo ng biktimaย nang ito ay lubayan.
Matapos ang insidente ay nagtago na ang suspek hanggang matunton nga ito ng Malolos police sa Batac City at agad na inaresto.
Sa kasalukuyan ang suspek ay nasa kustodiya ng Malolos PNP na mahaharap sa kasong homicide.
Walang pahayag ang suspek sa naturang kaso.