Si Bulacan PNP director P.Col. Manuel Lukban nang makapayam ng Punto! kaugnay ng pagsasailalim sa lalawigan sa Alert level 3. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Magpapatupad ng boundary checkpoints ang Bulacan police kasunod ng pagsasailalim sa lalawigan sa ilalim ng Alert Level 3 laban sa pagkalat ng Covid-19 Omicron variant.
Ayon kay Col. Manuel Lukban, provincial director ng Bulacan police, ang controlled points ay ipapatupad simula Martes ng hatinggabi sa mga boundaries ng Obando-Malabon, Meycauyan-Valenzuela, San Jose Del Monte at Caloocan-Quezon City.
Ayon kay Lukban, kailangang ipakita sa mga checkpoint ang vaccination card dahil bukod sa mga authorized pewrsons outside residenc (APOR) ay tanging mga bakunado lamang aniya kasi ang hinihikayat na lumabas sa ilalim ng Level 3.
Bawal na rin muna ang entertainment, outdoor sports activities maging ang mga outing o swimming.
Tatlumpung porsiyento lamang ang papayagan na makapasok sa mga establisyemento, sa mga religious gatherings, at maging sa mga pampublikong sasakyan.
Hindi rin aniya muna papalabasin ng bahay ang mga menor de edad.
Bukod sa mga nasabing boundaries ay magkakaroon din ng mga checkpoint sa ibat-ibang strategic places para masiguro na maipapatupad ang minimum health protocol laban sa Omicron variant.
Ani Lukban, isa din sa imo-monitor ay ang mga deboto ng Poong Nazareno na posibleng magpilit na makaluwas ng Maynila bagamat kinansela na ang selebrasyon ng kapistahan nito.
Nagpa-ala-ala ang kapulisan sa mga hindi bakunado na iwasan na muna ang lumabas ng bahay maliban na lang kung ito ay gaya ng pagbili ng gamot, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.