Bataan Gov. Albert Garcia
LUNGSOD NG BALANGA — Naghahanda na ang Bataan sa nalalapit na pagbabakuna laban sa coronavirus disease kasabay sa paghahanda na rin ng mga kagamitang kailangan, sabi ni Gov. Albert Garcia ngayong Martes.
“Kasalukuyan nang nagsasanay ang mga frontline healthcare workers para sa proseso ng pagbabakuna,” ayon pa sa governor.
Ang mga sinasanay na health workers ay mula sa 11 bayan at isang lungsod ng lalawigan na kinabibilangan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, Limay, Mariveles, Bagac, Morong at Balanga City.
“Ito ay para masigurong magiging maayos ang step-by-step na gagawin sa mismong araw ng pagbabakuna mula sa registration hanggang sa pagtigil ng mga nabakunahan sa waiting area para maobserbahan,” paliwanag ni Garcia.
Ang pagsasanay ay pinangunahan ng management information system (MIS) ng provincial government at ng APPCASE, Inc. na tumutulong sa system for registration gamit ang QR Code.
Ayon kay MIS chief Angel Ortiz Luis, ongoing ang registration ng priority group A na kinabibilangan ng mga healthcare workers na ang nagparehistro na sa vaccination sa kasalukuyan ay 2,736.
“Inaasahan na tataas pa ang bilang na ito. Ang mga bakuna ay manggagaling muna sa national government at mauuna ang pagbabakuna sa Bataan General Hospital and Medical Center sa Balanga City,” sabi ni Luis.
Ang BGHMC ay itinalagang exclusive facility para sa mga pasyenteng may Covid–19.
“Makasisiguro ang ating mga kababayan na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan ang lahat upang masimulan ang vaccine roll-out ng maayos at ligtas. Hinihingi ko muli ang inyong pakikiisa sa ating patuloy na pakikipaglaban sa Covid-19 hanggang ang bawat isa sa ating lalawigan ay mabakunahan na,” sabi ng governor.
“Sa nalalapit na pagsisimula ng pagbabakuna kontra Covid-19 sa ating lalawigan, kailangan pa rin nating panatilihin ang pag-iingat upang maiwasan pa rin ang paglaganap ng virus sa pamayanan,” paalaala ni Garcia.