Ginagabayan ni Leonor Cueva ang mga anak na sina Jerry (Grade 7) at Jun-Jun (Grade 3) sa pagsagot ng kanilang mga aralin gamit ang alternative modules na ipinamahagi ng mga guro sa Sitio Kanaynayan, Castillejos, Zambales.
CASTILLEJOS, ZAMBALES — Tila balik na sa dating kinagawian ng mga estudyante ngayong panahon ng pandemya na mismong magulang ang magtuturo sa kanilang pag–aaral lalo na sa mga liblib na lugar na pahirapan makakuha ng transportasyon.
Sa pagbabalik eskwela nitong Lunes, maraming eksena sa pagbalik-aral ng mga estudyante na dapat ay noon pang Hunyo, subalit naantala ito dahil sa patuloy na pagtaas na bilang ng mga tinatamaan ng Covid-19.
Sa distance learning method na ipinatupad ng Department of Education, mananatili ang mga estudyante sa kani-kanilang mga tahanan na gagabayan sa pag-aaral ng kanilang mga guro at magulang.
Dahil ito, sa pag–aaral ng mga estudyante ay hindi na lamang sila ang matututo – at mahihirapan din –bagkus pati na ang kanilang mga magulang, lalo na yaong hindi nakatapos ng kanilang pag-aaral.