Home Headlines Covid-19 sa Bataan: 2 bagong kaso, SAP ng LGU patuloy

Covid-19 sa Bataan: 2 bagong kaso, SAP ng LGU patuloy

601
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ngayong Lunes ni Gov. Albert Garcia na may dalawang bagong nagkasakit sa coronavirus disease kaya umakyat sa 275 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid19 sa Bataan.

Ang mga bagong kaso ay isang 48-anyos na lalaki mula sa Lungsod ng Balanga at isang 47-anyos na lalaking overseas Filipino worker mula sa Morong.

Sa kabuuan, nananatiling 206 ang bilang ng mga nakarecover na habang ang aktibong kaso o hindi pa gumagaling sa virus ay 59. Sampu naman ang pumanaw na.

Nasa 272 ang naghihintay ng resulta ng test at 5,977 ang nagnegatibo na mula sa 6,524 na mga nag-test na sa Covid19 sa lalawigan, sabi ng provincial health office.

Patuloy ang special assistance program sa pagbibigay ng ayuda para sa mga gamot at hospital bills ng mga mamamayan ng Bataan. Kuha ni Ernie Esconde

Samantala, sinabi ng governor na sa gitna ng kinakaharap na pandemyang dulot ng Covid-19, patuloy ang pagtugon ng provincial government sa mga kababayang nangangailangan ng tulong pinansyal para sa mga gugulin sa ospital at iba pang pangangailangang pangkalusugan sa pamamagitan ng Special Assistance Program nito.

Ang programang nagsimula, aniya, noong 2017 pa aynaglalayong matulungan ang mga Bataeno sa pagbabayad ng kanilang bill sa ospital, mga gamot, at iba pang guguling pang-medikal.

Simula lamang umano noong buwan ng Marso hanggang sa kasalukuyan, may 749 na pasyente na mula sa 11 bayan at isang lungsod ng lalawigan ang natugunan ang pangangailangan sa hospital bill at mga kinakailangang gamot.

Ito, ani governor, ay mula sa tulong nina Senator Ronald dela Rosa at Francis Tolentino, 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III at ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Garcia, bukod pa dito ay patuloy pa rin ang mga programa at serbisyo ng pamahalaaang panlalawigan sa pamamagitan ng provincial social welfare and development office sa pagbibigay ng tulong sa mga kapus-palad na mga kababayan.

Mas pinaigting pa natin ang ating pagseserbisyo gaya ng pagtatalaga ng mga social workers sa mga pribadong ospital kung kaya’t mas mabilis at mas marami tayong mga kababayang natutulungan,” sabi ng governor.

Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga pampubliko at pribadong ahensya na patuloy nating nakakatuwang sa ating mga programang pangkalusugan. Muli, mag-ingat po ang lahat at manatili lamang sa ating mga tahanan,” dagdag pa ni Garcia.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here