Ibinubuhos ni Mayor Jocelyn Castañeda ang mga nakumpiskang alak. Larawang kuha ni Larry Biscocho
MARIVELES, Bataan — Nakumpiska ng pulisya ngbayang ito ang mga botelya ng alak, kabilang ang ilang imported, sa isang checkpoint dito nitong Biyernes.
Ayon kay Lt. Col. Ronald Almirol, Mariveles police chief, ang mga alak ay tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P30,000. Kasalukuyan pa umanong umiiral ang liquor ban sa Mariveles.
Pinangunahan mismo ni Mayor Jocelyn Castañeda kasama si Almirol ang pagbubuhos ng mga alak sa kanal sa harapan ng munisipyo upang hindi na ito mapakinabangan pa.
“Ayon sa initial information na na-gather natin, idedeliver ito sa mga trabahador sa isang kumpanya pero hindi na natin na–determine kung saang kumpanya ito,” sabi ng hepe ng pulisya.
“Batay sa direktiba ng ating mayor, confiscation ang kaakibat ng mga pag–transport ng liquor dito sa bayan ng Mariveles at kanina nga ay dinispose na natin,” dagdag pa nito.
Nagbabala din si Almirol sa mga nagtitinda ng alak habang umiiral pa ang liquor ban.
“Bilang babala sa ating mga kababayan na nagnenegosyo sa alak, sana hangga’t may pinapairal na liquor ban ay tigilan na muna nila ang pagbebenta, pagdi–distribute at pagkunsumo ng alak dito sa bayan ng Mariveles,” sabi ng hepe.