ANG BILIS ng panahon. Matatapos na pala ang aking termino bilang Presidente ng IBP-Pampanga Chapter. Isang karangalan ang maging pinuno ng pitong daan at walumpu’t isang abogado ng Pampanga at Angeles City. Kaakibat ng karangalang ito ay ang obligasyong maitaguyod ang mga adhikain ng Integrated Bar of the Philippines. Adhikain para sa kapakanan ng mga abogadfong bumubuo nito at sa lipunang kanilang ginagalawan at binibigyan ng serbisyong legal, kabilang na ang buong pamayanan na siyang humuhubog at bumubuo sa propesyong legal. Mabigat na obligasyon at katungkulan lalo na at dalawang beses nang itinanghal ang ating Chapter bilang Pinakamagaling at Pinakamahusay na IBP Chapter sa buong Pilipinas sa magkasunod na termino nina President Paul Maglalang at President Darwin Reyes.
Nariyan ang pagpapatuloy ng Anti-Bullying lectures para sa ating kabataan. Naglibot tayo sa maraming eskwelahan at ipanabatid natin sa kanila ang kahalagahan ng RESPETO sa kapwa. Ang ating Katarungang Pambarangay Lecture Series na may kasamang lecture ukol sa Barangay Protection Order at Violence Against Women and Children ay pinukaw ang kaalaman ng ating mga namumuno sa lokal na pamahalaan. Maging ang ating lecture ukol sa Sexual Harrassment at Human Trafficking, Labor Standards and Relations ay pumatok rin sa ating mga manggagawa. At siempre, ang ating Updates on Laws para sa ating mga miembro ay nagpagaling at nagpatalino sa ating lahat para mas magaling pa nating mapagsilbihan ang ating mga kliyente, bukod sa ating MCLE series, small group lectures at lagiang FB Live Sessions ukol sa ating batas. Itong FB Live Session ay sadyang napapanahon at sumasabay sa ating teknolohiya. Libo libo ang nanood, natuwa at natuto sa masayang diskusyon ukol sa adhikain ng IBP Pampanga na dinaluhan pa ng IBP National President na si Pres. Abdiel Dan Elijah Fajardo, batas ukol sa Kasal at Hiwalayan, Batas sa Trabaho, Birth Certificates at iba pa.
Hindi ko malilimutan ang ating pagkalinga sa ating mga Katutubong Aeta. Inasikaso natin ang kanilang Birth Records upang magkaroon ng rehistro. Bukod dito, pinabinyagan pa natin sila at ipinakasal upang maging lehitimong pamilya at makuha ang lahat ng benepisyo sa batas. Silang kulang sa materyal na biyaya ang siya nating binigyan ng lubos na panahon at kalinga ng batas.
Marami rin tayong natulungan at napasayang mga preso sa iba’t ibang kulungan. Binigyan sila ng Legal Aid, rasyon ng pagkain, gamot, damit, tsinelas at marami pang iba. Nagbigay tayo ng halaga at pag-asa sa kanilang kinakaharap na nakatulong sa kanilang mga kaso at pagreporma sa kanilang katauhan. Pati ang Probationers at kanilang mga pamilya, ating tinulungan sa Brigada Eskwela, kasama na ang marami pang eskwelahang nangangailangan ng tulong. Sinulong natin ang baha sa Macabebe at San Simon upang iabot ang ating tulong sa mga nasalanta ng bagyo at pagbaha. Pati na ang mga miembro nating may sakit o mga nag-retiro na, ating dinalaw at kinumusta ng personal. Napakalaking bagay sa kanila ang maalala at pahalagahan. Maging ang pamilya ng mga namayapa nating miembro, atin ding tinulungan sa pamamagitan ng ating Peer Assistance Program.
Nagtala rin tayo ng record bilang kauna-unahang Chapter na nagkaroon ng Legal Aid sa Dubai at Abu Dhabi sa Middle East na nakatulong sa ating mga bayani doon. Bukod pa ito sa regular nating Legal Aid sa Hong Kong at Macau, sa malls, palengke, simbahan tuwing simbang gabi, at pakikipagugnayan sa ibang organisasyon para sa Legal na serbisyong libre.
Sadyang di mabilang na mga proyekto. Proyektong tatatak sa IBP-Pampanga Chapter. Hindi maisasakatuparan ang lahat ng ito kung wala ang tulong ninyong lahat, ka-IBP Pampanga. Nakisalamuha kayo, nagbigay ng inyong oras at panahon na sana ay para na lamang sa inyong pamilya at sarili, nag-ambag ng salapi at nakianib sa mga diskusyon, nagpasaya, nagdalamhati, nakisama. Mula sa pinakabatang abogado hanggang sa pinakamatanda at batikan, hindi kayo nagsawang tumulong sa ating Chapter.
Hindi rin ako nagkamali sa pagpili ng mga Director at Opisyales ng ating Chapter. Sumuporta kayo ng todong todo, nag-ambag ng labis sa inaasahan, dumalo sa ating mga pagtitipon at hindi ninyo ako binigo sa ating mga proyekto. Kay President Darwin at President Paul na hindi huminto sa paggabay at pagtulong kahit na tapos na ang kanilang termino; sa ating Vice President Pons na napakalaki ng naiambag na tulong sa ating Barangay Lecture Series, bukod pa sa kanyang mga ambag na materyal at walang humpay na pagsuporta sa lahat ng ating proyekto kasama na ang kanyang may-bahay na si Janice; Ang ating Auditor na si Joy at Director na si Regs na Power Duo ng Angeles City kung saan ay napakarami kong natutunan at pasalamat sa kanilang oras at panahon sa ating mga proyekto; kay Director Ralph Macalino, ang aming bunso pero labis ang pagod sa Anti-Bullying lectures, FB Live at mga proyektong kasalan at binyagan… bukod sa pagpapasaya at pag-imbento ng inuming beer na may soju; kay Director Third na siyang namahala sa Sports Program at Activities ng Chapter; kay Best Legal Aid Lawyer Alex Buan sa matyaga at walang kapagurang pagkalinga sa mga taong nagangailangan ng ating serbisyong legal, Mabuhay ka!; kay Director Toti na laging nandyan, laging nakangiti, laging bukas ang palad sa pagtulong sa ating mga proyekto; kay Jovy, ang ating Secretary na matyagang gumagawa ng minutes of meeting at nagpapaalala sa ating schedules, bukod pa sa FV Live sessions at pagdalo sa mahalagang proyekto ng Chapter; sa mga dating opisyal na si Berts at Pinggoy na hindi maikakaila ang nagawang pagtulong para isakatuparan ang ating mga adhikain… dalangin ko ang kanilang matagumpay na paglusong sa larangan ng pulitika upang lalo pang maparami ang mapagsilbihan; kina Fe, Rose and Annie, ang ating magigiting na Clerks at Personal Assistants na matiyagang nakinig, sumunod at sumuporta sa bawat programa ng Chapter. Hindi maikakaila ang inyong kontribusyon at pagod. At siempre, kay Treasurer Socrates Padua na siyang tao sa likod ng mga katuparan ng pangarap, na siyang kumilos at nagbigay ng buong panahon at pisikal na oras sa lahat ng ating proyekto at programa…. hindi matutumbasan ang kadakilaan mo. Maraming Salamat sa inyong lahat.
Sa lahat ng Huwes, Prosecutors, PAO lawyers, Probation Offi cers, namamahala ng Jail, Kapulisan, mga kaibigang abogado sa pamahalaan, ang ating Governor, Congressmen, mga Mayor at pamunuang lokal… maraming salamat po sa walang sawa ninyong pagtulong at pagsuporta sa ating Chapter. Tinatanaw ko itong malaking utang na loob.
Nais ko ring pasalamatan ang masipag at magiting na Governor ng IBP-Central Luzon na si Governor Carmelita Reyes-Eleazar na nagpatnubay at pinagkaisa ang lahat ng Chapter sa buong Central Luzon, kasama na ang napakasipag at napaka humble na Deputy Governor Babyruth Torre. Sa mga Presidente at opisyal/director ng bawat Chapter: Pres Boy ng Bulacan, Pres MJ ng Bataan, Pres Chad ng Tarlac, Pres Jany ng Pangasinan, Pres Erwin ng Nueva Ecija at Pres Suping ng Zambales, maraming salamat sa inyo at nagsilbi kayong inspirasyon sa aming Chapter upang magpursigi at mag-isip ng sangkatutak na programa para sa IBP. Salamat sa inyong walang kapagurang serbisyo at panahong ginugol at gugugulin pa para sa IBP. Mabuhay kayong lahat!
At ang aking asawang si Gilda at mga anak na sina Gabby. Djay, Mai-Mai at Gerard na umintindi sa maraming weekends na ako ay wala dahil sa mga proyekto at priograma ng Chapter. Maraming salamat sa pang-unawa at pagsuporta, sa mga puna at pagmamalaki.
Hindi natin hangad ang anumang gantimpala sa lahat ng ating panahong ginugol, lakas na pinuhunan, at salaping naiambag para sa ikatataguyod ng ating mga adhikain. Ang makitang maraming nasiyahan, maraming naserbisyuhan, maraming natulungan… yung naibigay natin sa ating mga kababayan ang ating puso at oras na nagpakilala at nagpaangat sa ating propesyon bilang mga abogadong may malasakit sa bayan at sa kapwa ay higit ng gantimpala sa puso at diwa. Salamat sa inyong tiwala at walang humpay na suporta. Mabuhay tayong lahat, Mabuhay ang IBP-Pampanga Chapter!