Pamaskong awit, gabay ng tao at bayan

    669
    0
    SHARE

    Mga kabalen, bago ko simulan ang artikulong ito, sama-sama nating ipanalangin ang mga namatay, namatayan, nawalan ng bahay at kabuhayan nating mga kapatid sa Mindanao at Visayas. 

    Magpaabot po tayo ng kahit kaunting tulong upang maibsan ang kanilang hinagpis lalo na’t parating na ang Kapaskuhan.

    Taon-taon,  ang pagsapit ng Pasko ay naging bahagi na ng ating buhay bilang mga Kristiyano, at ng buong sambayanang Pilipino. 

    Bilang mga Kristiyano, tayo’y nagdaraos ng mga nakagawian na tulad ng Simbang Gabi, at iba pang paghahanda ng ating mga sarili sa ikagagalak ng Lumikha at sa pagdakila sa kaarawan ni Hesus.

    Kabahagi ang buong sambayanan, anuman ang relihiyon, sa taunang pagdiriwang, bunsod na rin ng nakahahawang sigla at galaw na mababakas sa kapwa, dulot ng mga biyayang bitbit ng tradisyon ng pagbibigayan tuwing Pasko.

    Anumang krisis ang kasalukuyang hinaharap, ang kalungkutan ay napapawi ng kakaibang sigla na dulot ng kapaskuhan na wala ring kupas sa pagbibigay buhay sa mga pamilihan, at ang lahat ay nakikinabang.

    Isang awit pamasko ang sa atin ay nagsisilbing gabay, “Ang Pasko’y Sumapit,” na may isang linyang nagsasabing, “Sana’y lahat ng araw ay Pasko.”

    Ang awit na ito’y kuwento ng Pasko: Ang pagsilang ni Hesus sa Bethlehem, at ang pagbibigay handog ng Tatlong Haring Mago na nagpang-abot – sa tulong na bituing gabay — sa abang sabsaban kung saan naisilang ang sanggol na si Hesus.

    Pinaniniwalaang sa paghahandog ng regalo ng Tatlong Haring Mago nabuo ang tradisyon ng bigayan tuwing Pasko.

    Ang nakagawiang bigayan ng regalo, aginaldo, at pag-ukol ng panahon para sa mga pagtitipon ng pamilya, ay bunsod na rin ng kakaibang gaan ng pakiramdam na dala-dala ng diwa ng kapaskuhan.

    Nakapagtataka ngunit nangyayari sa ating lahat ang maghangad na makapagbigay sa mga mahal sa buhay tuwing sasapit ang Pasko. Masaya tayo kapag nakapagbigay ng regalo, at malungkot naman kung sa dahilang kinapos sa pera ay hindi makapagbigay sa mga mahal sa buhay.

    “Tayo ay magmahalan, ating sundin ang Gintong Aral. At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay magbigayan.”

    Napaganda po ng mensahe, di ba mga kabalen?

    Sinasabi sa atin na ang pinaka-mainam galaw sa mundo ng bawat nilalang ay yaong batay sa diwa ng kapaskuhan – ang pagmamahalan, pagbibigayan, at pagsunod sa Gintong Aral, na turo ni Hesus.

    “Gawin sa iba yaong nais mong gawin ng iba sa inyo (Do unto others what you want others to do unto you.)”

    Bukod sa pagbibigayan, ang Pasko’y panahon din ng pagbabagong buhay.

    “Bagong Taon ay magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan …”

    Makaraang pinalambot ng diwa ng Pasko ang ating mga puso’t isipan, tayo ngayon ay tila handa na ring harapin ang mga pagbabago sa ating buhay.

    Pagkatapos ng Pasko, sasapit naman ang Bagong Taon.

    Sa pagsapit ng Bagong Taon ay tila may paanyaya tungo sa pagbabagong buhay, na isa rin sa mga biyaya ng kapaskuhan. Ang pagtatapos ng taon ay panahon din ng pagwawaksi ng mga kamalian at pagsasagawa ng mga pagbabago na muling magtutuwid sa landas ng ating buhay.

    Makaraan ang sarili, ang bansa naman.

    Ang linya namang, “Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganaan…,” ay ukol naman sa bansa.

    Ang masayang awiting ito ay hindi lamang nagbibigay saya sa tema ng Pasko — ito rin ang nagsisilbing gabay sa paghahanda sa taunang okasyon ng bigayan at pagbabago sa sariling buhay, at maging sa sa mga pananaw sa pagsasa-ayos at pagpapabuti ng ating bansa.

    Sa isang sang simpleng awit, “Ang Pasko’y Sumapit,” matutunghayan ang halaga at diwa ng Pasko, na ang tunay na regalo nito ay ang biyaya ng pagbabago.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here