Hindi naman itinanggi ni Dingdong Dantes ang kuwento ni Direk Ruel Bayani na namula siya nang sobra nang unang makadikit si Angel Locsin sa look test pa lang para sa pelikulang One More Try.
Ang kuwento kasi ni Direk Ruel, pulang-pula raw ang aktor at nang tanungin niya kung bakit, sagot daw nito, “eh kasi Direk, ang tagal ko na siyang gustong maka-partner, ngayon lang natupad.”
Say ni Dingdong, nahiya raw siya kasi bilang first time nga niyang makaharap si Angel.
“Eh first time lang naman kasi naming nagkaharap at nagkasama, so si-yempre, nahiya naman ako nun’g umpisa,” say ni Dingdong.
Pero totoong gusto na niyang makasama si Angel noon pang nasa GMA-7 ang aktres?
“Oo, hindi lang nagkaroon ng pagkataon na nagkasama kami sa GMA-7, pero at least, dito sa pelikula, nakasama ko siya.”
Eh bakit siya namula?
“Eh siyempre, ano, pangit naman kung kumportable na agad ako, ’di ba? Eh ganu’n, natural reaction na hindi ka comfortable. So, kinakabahan ako, tapos siyempre, diyahe rin dahil una pa lang kayong nagkaharap, ‘o, akbayan mo’, parang ano, ’di ba?”
Hindi kaya may mag-react naman na mga fans niyan nila ng girlfriend na si Marian Rivera?
“Bakit naman? Ako na nagsasabi, walang masamang ibig sabihin ’yun,” nakangiting sabi ni Dingdong.
So, kumusta namang katrabaho si Angel?
“Okay, sobrang… kumbaga, I saw for myself kung ano talaga sinasabi nila, kung paano siya as a professional actress.”
Natanong din namin si Dingdong kung ano ang feeling na gumawa ng movie na puro Kapamilya network ang kasama niya at siya lang ang tanging nag-iisang Kapuso. Hindi ba siya nailang?
“Well, malaki talagang adjustment. Siyemre, noong una, yes (nailang) siya, pero naging mainit naman ang pagtanggap nilang lahat sa akin, so hindi naman ako masyadong nagtrabaho.”
Sa pelikula ay ginagampanan ni Dingdong ang papel na asawa ni Angelica Panganiban habang si Angel naman ang kanyang ex-girlfriend na papasok ulit sa kanyang buhay.
Pero ipinauna na ni Direk Ruel na sobrang layo nito sa dati niyang idiniriheng blockbuster movie na No Other Woman at wala talagang pagkakapareho.
Ang One More Try ay isa sa mga entries ng Star Cinema for Metro Manila Film Festival na magsisimula ngayong Dec. 25.