CALUMPIT, Bulacan— Inutusan ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang pamunuan ng mga higanteng utilities company na ilipat ang mga posteng nakausli sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Bulacan.
Kabilang sa mga ito ay ang Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) and Manila Electric Company (Meralco), at iba pang kumpanya tulad ng Digitel Telecommunications at Globe Telecoms.
Ang utos ng gobernador ay inilabas batay sa ulat ng Provincial Engineering Office (PEO) at dalawang sangay ng Department Public Works and Highways (DPWH) kung saan ay natukoy na umaabot sa halos 1,000 poste ng kuryente at telepono ang nakausli sa may 32 kilmetrong kahabaan ng MacArthur Highway mula sa Lungsod ng Meycauayan hanggang sa bayang ito.
Batay sa ulat, umaabot sa 101 ang matatagpuan sa magkabilang gilid ng MacArthur Highway sa bahagi ng Balagtas, 139 sa Guiguinto, 192 sa Bocaue, 56 sa Calumpit, 254 sa Lungsod ng Malolos City at halos 100 sa bayan ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan..
“They must remove and transfer those posts outside the road right of way before the end of the year,” sabi ng gobernador matapos ang isang inspeksyon sa mga poste sa bayang ito. Ayon kay Alvarado, ang mga poste ay delikado para motorista at sagabal sa daloy ng tubig.
Ito ay dahil may mga posteng nakatulos sa gitna ng itinatayong drainage canal sa bahagi ng Barangay Longos sa Malolos at Barangay Pio Cruzcosa sa bayang ito. Ayon kay Inhinyero Ruel Angeles, ng DPWH 1st Engineering District, ang mga poste ay nakatayo sa gilid ng highway, ngunit dahil sa pagpapalapad o road widening sa kahabaan ng MacArthur Highway, umusli sa kalsada ang mga poste.
Binigyang diin ni Angeles na mula panoong 2004 at 2005 nasimulan na ang pagpapalapad sa MacArthur Highway. ”Mula pa noon ay nag-coordinate na kami sa PLDT at Meralco pero hindi kami pinakinggan, sabi ni Angeles.
Dahil sa pagtatayo ng kanal sa gilid ng matatayog na poste, binigyang diin ni Inhinyero Ramiro Cruz ng DPWH 2nd Engineering District na ang mga nasabing poste ay hindi na kasing tibay kumpara noong unang itayo ang mga ito. Kaugnay nito, inusisa ng Punto ang DPWH kung bakit pinabayaan nilang isagawa ang road widening samantalang hindi naililipat ang mga poste.
Ayon kay Angeles, hindi nila mapipigilan ang pagpapatupad ng proyekto dahil may takdang araw iyon upang simulan at matapos. Dahil dito, muling babasagin ang bahagi ng kalsada o drainage canal na natapos kapag ililipat na ang poste.
Sa panig naman ng mga kinatawan bg Meralco at PLDT, hiniling nila na tukuyin ng DPWH kung saan maililipat ang kanilang mga poste. “Kailangan lang naming malaman kung hanggang saan yung boundary para mailipat namin yung mga poste,” sabi ni Paul Lopez, isang distribution engineer for construction and maintenance division ng Meralco.
Gayundin ang naging pahayag ni Katrina Anne Ocampo, ang corporate relationship manager ng PLDT.
Ayon pa kay Ocampo, kapag inilipat nilaang kanilang mga poste ay hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng panandaliang service interruption. Sina Lopez at Ocampo ay kasama nina Gob. Alvarado at mga opisyal ng DPWH na nagsagawa ng inspeksyon sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bayang ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Alvarado na walang problema sa service interruption kung ang magiging bunga ng paglilipat ay matagalang pakinabang. Ayon pa sa punonglalawigan, mahalaga ang supply ng kuryente at serbisyo ng telepono para sa higit na kaunlaran ng lalawigan.
Ngunit binigyang diin niya na kailangan maiaayos ang lahat kaugnay ng napipintong pagpapataupad ng Program for Rapid Industrialization and Development (PRIDE). “We must set everything in order and we must start with the clearing of obstructions along our major roads,” sabi ni Alvarado.
Tiniyak pa niya na tututukan ng kapitolyo ang pagpapataupad ng utos upang matiyak na susunod ng mga public utilities company.