Angat Dam: Kakayahin ang lindol, delikado sa pag-apaw ng tubig

    310
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Matatag ang Angat Dam kaya kakayahin ang malakas na lindol, ngunit delikado ito kapag umapaw ang tubig.

    Ito ang buod ng pahayag ng mataas na opisyal ng National Power Corporation (Napocor) hinggil sa katatagan ng dam na kanilang pinamamahalaan kaugnay ng balitang hinog na ang West Marikina Valley Faultline (WMVF) na posibleng maghatid ng pinsala sa Kalakhang Maynila at Gitnang Luzon.

    Ito ay dahil sa kalagayang ang WMVF ay nakabalatay sa ilalim ng lupa mula sa Bulacan patungong Batangas.

    Ayon kay Romualdo Beltran, tagapamuno ng Dams Management Department ng Napocor, ang 44-taong-gulang na Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ay nakadisensyo upang malampasan ang lindol na may lakas na magnitude 8.

    Ang disenyong ito ay mas matibay kumpara sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang WMVF ay posibleng gumalaw at maghatid ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

    Bukod dito, nilinaw ni Beltran na ang mga dike ng dam ay hindi kongkreto, sa halip ay rock-and-earth-filled o pinagpatong-patong na malalaking tipak ng bato at lupa na higit na mas tumitibay habang nagtatagal.

    “May mga studies sa mga dam sa mundo na kapag lindol ang pag-uusapan,mas matatag ang rock-and-earth-filled dams kumpara sa mga concrete dam,” ani Beltran.

    Gayunpaman, nilinaw niya na may mga hamon din sa mga ito katulad ng sa Angat Dam.

    “Mas susceptible and vulnerable naman sa overtopping ang rock-and-earth-filled dams,”aniya patungkol sa pag-apaw ng tubig sa ibabaw ng dike ng dam. Ito ay nangangahulugan na mas madaling masira ang dike kung aapaw ang tubig sa ibabaw nito.

    Ang pananaw na ito ay mas naunang ipinaliwanag ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na kasalukuyang nakabase sa Estados Unidos.

    Sa kanyang pahayag, ipinaliwanag ni Dela Cruz na unti-unting naaagnas ang lupa sa rock-and-earth-filled dam kapag umapaw ang tubig, na nagiging dahilan ng pagkasira o pagkabugta nito.

    Gayunpaman,katuladng pahayag ni Dela Cruz, sinabi ni Beltran na mas madaling pamahalaan at mapag-ingatan ang pag-apaw ng tubig sa dike ng dam.

    Ito ay pagmamagitan ng masusuring pagmomonitor sa tubig sa dam, na babawasan kung matatantiyang aapaw iyon samantalang may paparating pang ulan o bagyo.

    Hinggil naman sa edad ng Angat Dam, nilinaw ni Beltran na mali ang pananaw na masisira iyon kapag umabot ng 50 taon.

    “May mga misconception na masisira ang dam kapag umabot ng 50 years, we have to understand na hindi katulad ng tao ang dam na kapag umabot ng 50 taon ay humihina na,” sabi niya.

    Muli niyang biigyang diin na dahil sa rock-and-earth-filled ang dike ng Angat Dam, habang nagtatagal ay tumitibay iyon dahil lalong nasisiksik ang lupa sa mga pagitan ng mga tipak ng bato.

    Ang Angat Dam ay itinayo noong unang bahagi ng dekada 60 at sinimulang gamitin noong huling bahagi ng nasabing dekada.

    Ito ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng Kalakhang Maynila at may kakayahang magtinggal ng tubig na aabot sa 738 million cubic meters kung ang lalim o lebel nito ay aabot sa 212 meters above sea level (masl).

    Bukod sa pagpapadaloy ng tubig sa Kalakhang Maynila, ang Angat Dam ay pinagkukunan din ng patubig ng may 26,000 ektrayang bukirin sa Bulacan at Pampanga, samantalang ang power house nito ay may kakayahang lumikha hanggang 146 megawatts ng kuryente na pinadadaloy  sa Luzon Grid ng National Transmission Corporation (NGCP).

    Noong nakaraang taon, natapos ng Tonkin & Taylor International  at ng Engineering Corporation of the Philippines (EdCOP) ang anim na buwang feasibility study sa katatagan ng dam.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here