Pilipinas bumaba ng 7 bahagdan sa Press Freedom Index kumpara noong 2011

    659
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pitong bahagdan ang ibinaba ng Pilipinas sa 2013 World Press Freedom Index na inilabas ng Reporters Without Borders (RSF) noong Miyerkoles, Enero 30.

    Batay sa ulat ng RSF sa kalagayan ng malayang pamamahayag sa 179 bansa sa mundo, ang Pilipinas ay bumaba sa ika-147 puwesto sa taong ito kumpara sa ika-140 puwesto noong nakaraang taon.

    Para sa mga mamamahayag sa bansa, ang pagbaba ng puwesto ng bansa ay dahil sa patuloy na pamamaslang sa mga mamamahayag at hindi pagkakapasa ng Freedom of Information Bill sa Kongreso.

    Ang mga bansang Finland, Netherlands, at Norway ang nanguna sa may pinakamataas na pagrespeto sa malayang pamamahayag sa mundo, samantalang ang mga bansang Sudan, Cuba, Vietnam, China, Iran, Somalia, Syria, Turkmenistan, North Korea at Eritrea ang nasa huling 10 puwesto.

    Ayon sa RSF, “the ranking of most countries is no longer attributable to dramatic political developments.

    This year’s index is a better reflection of the attitudes and intentions of governments towards media freedom in the medium or long term.

    Iginiit pa nila na ang Arab Spring o pag-aaklas ng mga bansa sa Gitnang Silangan at Aprika ay nakaapekto sa resulta noong nakaraang taon.

    Batay sa ulat, ang Pilipinas na nasa ika-147 puwesto ay nalagpasan ng mga kalapit bansa sa Timog Silangang Asya tulad ng Brunei (na pumang-122), Thailand (135), Indonesia (139), Cambodia (143) at Malaysia (145).

    Gayunpaman, mas mataas ang puwesto ng pilipinas kumpara sa Singapore (149), Burma (151), Laos (168) at Vietnam (172).

    Gayunpaman, sinabi ng RSF na sa mga bansa sa Timog Silangang Asya, ang Burma ang nagpakita ng pinakamalaking pagbabago.

    Ito ay dahil sa umakyat ng 18 bahagdan ang Burma, samantalang ang mga kalapit na bansa sa Asya ay bumaba.

    Ayon sa RSF, ang 2013 World Press Freedom Index ay ayon sa anim na batayan: pluralism or options presented to the media; media independence or the degree to which media are able to function independently of authorities; environment and self-censorship; legislative framework or the quality of legislative framework and its effectiveness;  transparency; at infrastructure

    Ang paglalabas ng World Press Freedom Index ay sinimulan ng RSF noong 2002 kung kailan, ang Pilipinasay nasa ika-90 pwesto.

    Ngunit habang nagtatagal unti-unting nahuhulog pababa ang kalagayan ng malayang pamamahayag sa bansa.

    Noong 2005, bumaba sa ika-139 na puwesto ang Pilipinas, ngunit bahagyang umakyat noong 2007 nang sumampa ito sa ika-128 pwesto.

    Ngunit sa mga taong 2011 hanggang 2012, ang Pilipinas ay nahulog sa ika-140 puwesto, at ngayong taon ay sa ika-147.

    Samantala, sinabi ni Rowena Paraan ng NationalUnion of Journalists of the Philippines (NUJP) na ilan sa mga kadahilanan ng pagbaba ng puwesto ng bansa sa Press Freedom Index ay ang patuloy na pamamaslang sa mga mamamahayag sa bansa at ang di pagkakapasa ng FOI Bill sa Kongreso.

    Matatandaan na sa paggunita ng ikalawang International Day to End Impunity noong nakaraang taon, sinabi ng NUJP na umabot na sa 153 mamamahayag ang pinaslang sa bansa mula pa noong 1986, kung kailan nagbalik ang demokrasya sa bansa.

    Hilnggil naman sa FOI, mas lumalaki ang posibilida na hindi ito mapagtibay sa ika-15 Kongreso dahil sa hindi ito naging prayoridad ni Pangulong Aquino na sa kampanya noong 2010 ay nangakong isusulong ang pagpapatibay ng FOI.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here