Obituaryo o komentaryo?

    534
    0
    SHARE
    Ang sumusunod ay ang pahayag na binigkas ng inyong lingkod sa ikalawang buwan ng pag-aalala sa mga biktima ng Maguindanao Massacre, noong Enero 23 na isinagawa sa Holiday Inn Hotel sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

    Ang inyong lingkod ay ang kasalukuyang tagapangulo ng sangay sa Bulacan ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP-Bulacan).



    Ang ikalawang buwan ng pag-aalala sa mga biktima ng Maguindanao Massacre ay dinaluhan ng mga mamamahayag mula sa Gitna, Hilaga at Timog Luzon.

    Bawat mamamayag ng kinatawan sa mula sa mga lalawigan ng mga nasabing lugar ay bumasa at nagsatinig ng kanilang pahayag sa ikalawang buwanang pag-alala sa mga biktima ng Maguindanao Massacre.



    Dalawang buwan na ang nakaraan matapos ang makahayop na pamamaslang sa 32 mamamahayag sa bayan ng Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao.

    Tapos na ang mga pagkondena, maging ang panahon ng pagdadalamhati. Nahaharap na tayo ngayon sa dalawang hamon.

    Una, ang masusing pagbabantay sa proseso ng pag-usig sa mga nasasakdal sa kaso na dapat maging malinaw o transparent sa bawat isa upang makita, maunawaan, at makamit natin ang pangarap na katarungan.

    Ikalawa, pagkakaisa sa hanap ng mga mamamahayag at pakikiisa san g mga kasapi ng ating mga komunidad na pinaglilingkuran sa pamamagitan ng patas, balanse, at makahulugang pamamahayag.

    Hindi na bago ang mga hamong ito. Una itong isinatinig ni Shiela Coronel sa board ng Committee to Protect Journalists (CPJ), kung saan ay kabilang siya. Sa kanyang memo sa CPJ Board, binigyang diin ni Coronel ang tatlong bagay na lubhang kailangan para makamit ang katarungan para sa mga biktima sa Maguindanao Massacre.

    Ito ay ang “unprecedented level of resources, commitment and collaboration.”

    Dahil dito, ipabatid at ipaalala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter sa bawat mamamayan at kapwa mamamahayag ang pagbibigay ng kanilang marubdob na pakikiisa, sapagkat ang Maguindanao Masscare ay hindi lamang isang pag-atake sa malayang pamamahayag, kundi maging sa demokrasya at malayang halalan.

    Totoo. Pagkakaisa natin ang susi, hindi lamang upang makamit ang katarungan, susi rin ito upang tuluyan nating mapigil at mapaslang ang halimaw na culture of impunity sa ating bansa; at maiwasan na pamarisan ng ibang taong kulang sa pasensiya at pang-unawa ang Maguindanao Massacre.

    Isipin natin ang mga posibilidad ng sa malayang pamamahayag ng kawalang pagkakaisa samantalang pinapaslang na ang mga mamamahayag, hindi lang paisa-isa kundi maramihan. Ano ang halaga ng malayang pamamahayag kung naghahari ang culture of impunity?

    Kung ganito ang sitwasyon—naghahari ang culture of impunity at laging may pangamba ang mga mamamahayag—baka mas makabubuting ang sulatin natin ay ang obituaryo natin at ng malayang pamamahayag, sa halip na komentaryo? Baka mas makabubuting ang ating ihanda ay ang lapida natin at ng malayang pamamahayag, sa halip na ang susunod na edisyon ng ating mga pahayagan?

    Ayaw nating mangyari ito. Tutol tayo sa mapanupil na kalagayan katulad noong dekada 70 kung kailan ay nilabanan ng mga mas nakakatanda sa atin ang batas militar hanggang sa tuluyang palayain tayo sa pamamagitan ng Edsa Peoples’ Power, ang pinakamagandang halimbawa ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa makabagong panahon.

    Magkaisa tayo ngayon. Itindig natin ang malayang pamamahayag. Ibangon ang kalayaan at dignidad ng sambayanang Pilipino!


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here