sa malamig na silid, anaki’y bilanggo,
katawa’y lupaypay, sa kamang inako,
mga mata’y mulat, saan nakadako,
pati na ang diwa ay pira-piraso.
ang aking pagtulog, nais ay mahimbing,
payapa ang muni, ayaw nang magising,
mga panaginip, kaylamyos damahin,
lalu na kung tuwa, ang laging kapiling.
nguni’t di mapigil, pagmulat ng mata,
orasa’y umikot, umaga na pala,
ang init ng araw, ni di ko madama,
walang kalayaang humakbang ang paa.
ang magarang sasakyan, nahimpil ng kusa,
ibang mga gulong, na dada-dalawa,
isa lang upuan, walang manibela,
kung gustong umusad, may taga-tulak pa.
ang aking paligid, dati ay maluwang,
laging dinadagsa, ng mga kaibigan,
ngayon ay masikip, upua’y iilan,
mga panauhin, panaka-naka lang.
pagkaing masarap, laging nakahapag,
ang naging pantunaw, mamahaling alak,
ngayo’y tubig na lang, at mga tabletas,
turok ng karayom, babaon sa balat.
makapal kong buhok, kay gahang suklayin,
laylay sa balikat, kay ganda sa tingin,
ngayon ay wala na, ang dating maitim,
kalbo na ang ulo, bola kung ihambing.
di na maisuot, mamahaling damit,
pinagkaka-loob, iisa ang hugis,
ang mga alahas, ay pinagkakait,
oxygen at dextrose, sa kamay ko’t bibig.
noon ay malayang nakapaglalayag,
ga’no man kalayo, ma ibayong dagat,
ngayo’y ilang metro, aking nilalandas,
mula sa’king silid, hanggang sa paglabas.
aking kayamanan ay di mauubos,
mansion kong tahanan, matibay ang moog,
magarang sasakyan, gamit sa palibot,
wala ng halaga, buhay nauupos.
mapalad pa nga, ang naturingang dukha,
walang karamdaman, sakit na malubha,
may layang kumilos at kasalamuha,
di katulad kong naratay sa kama.
ang hatol ng D’yos, aking hinihintay,
buhay na hiniram, sa mundong ibabaw,
pinaubaya ko, aking kapalaran,
manatili’t hindi, S’YANG nakakaalam.



