1.
Mayron nga bang di sang-ayon sa’ting mga mambabatas?
upang ang death penalty bill ay hindi maisabatas
kung mayron man maaaring sila yaong mga corrupt
na sa kaban nitong bayan labis na nagpakabundat
dahil kung sila’y matuwid sila’y hindi sasalungat
sa ipinapanukala na parusang firing squad
2.
Kung ang isang pulitiko ay malinis ang konsensiya
sa parusang kamatayan walang dapat ipangamba
subalit ang mga ganid na sangkot sa anomalya
sila yaong mga takot at dito ay kumokontra
mas nanaisin pa nilang sa kulungan ay mapunta
kaysa sila ay tuluyang malagutan ng hininga
3.
Dahil sila’y may pag-asang makalaya sa piitan
pag kaalyado nila ang naging pinuno ng bayan
ganyan lagi ang senaryo na ating natutunghayan
nakakalaya ang dapat mabulok sa bilangguan
at pag sila’y nakalaya mangungulimbat na naman
kasama ng mga ganid nilang mga kasamahan
4.
Totoo nga bang malupit at sadyang di makatao?
ang parusang kamatayan sa tiwaling pulitiko
ayon yan sa mambabatas na naroon sa kongreso
na mayroong pasubali noong ipahayag nito
makatarungan ba aniyang pagnakawan ang gobyerno?
na siyang nagpapahirap sa mamamayang Pilipino
5.
Ang parusang kamatayan dapat lamang ipatupad
sa kawani ng gobyerno na laging nangungulimbat
sapagkat ang korapsiyon ang labis na nagpapahirap
sa lahat ng mamamayan nitong bansang Pilipinas
at sa ganitong paraan ay maaaring umunlad
itong bayan na malaon na rin nating hinahangad
6.
Sa biblia sinabi ng Panginoong Hesukristo
ang talinhaga hinggil sa mga masasamang damo
hindi dapat mahalo sa nakatanim na trigo
kaya, habang maaga pa kailangang puksain ito
ganyan din ang dapat gawin sa lahat ng pulitiko
na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino
7.
Ikaw igan payag ka ba na ito’y maisabatas?
upang lipulin sa bansa mga pulitikong korap
ngunit kung may tumututol na ito’y maipatupad
ano ang kahihinatnan nitong bansang Pilipinas?
kung tiwali ang mayorya sa’ting mga mambabatas
death penalty malabo ng ito ay maging batas



