Home Headlines Kagalakan, kapasalamatan sa pabahay ng DOTr ng mga dating nasa ‘home along da...

Kagalakan, kapasalamatan sa pabahay ng DOTr ng mga dating nasa ‘home along da riles’ 

204
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO – “Dati sa riles, maliit lang yung bahay ko. Ngayon maganda na, naka-tiles na… wala na akong masasabi. Sarili mo na ‘to. Pangalawa, hindi na kami siguro babahain dito e doon (sa dati), isang ulan lang, baha na, lubog na. Panatag na ang kalooban namin dito.”

Lubos ang kagalakan ni Mang Nephtali, 68, ng Barangay San Nicolas sa kanyang bagong tirahan sa ipinatayong pabahay ng Department of Transportation sa San Fernando View Residences Phase 3 sa lungsod na ito para sa mga naapektuhan ng konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR).

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilipat sa maayos na resettlement sites ang mga itinuturing na project-affected persons (PAPs).

“Mahigpit na utos ng pangulo na huwag pabayaan ang mga kababayan natin kung saan ang mga bahay nila ay naapektuhan ng proyekto. Siyam na relocation sites ang pinondohan ng DOTr sa Pampanga, Bulacan, at Laguna kung saan disente ang mga tirahan at mayroong sapat na suplay ng ilaw at tubig. Binibigyan din natin sila ng pangkabuhayan para may pagkakitaan sila,” ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez.

 

Paliwanag ni DOTr Assistant Secretary for Right-of-Way and Site Acquisition IC Calaguas, na-award at nakalipat na ang family beneficiaries sa 312 houses o units sa San Fernando View Residences Phase 3 sa lungsod.

 

“May kwarto, banyo, dining at living areas na ang bawat bahay na ibinibigay ng DOTr. Pwede pa nila ito lagyan ng gate o kaya pwesto kung sila ay magtatayo ng tindahan,” ani Asec. Calaguas.

Sa mga nakalipat na, kapasalamatan at kasiyahan sa isang maayos na tahanan, sa maaliwalas na kapaligiran ang walang sawang ipinapahayag sa mga dumarating na panauhin.

“Nagpapasalamat ako sa pangulo natin. Siyempre, isa pa, yung binigay sa amin na bahay, nagpapasalamat kami at maganda yung binigay nilang bahay sa amin. Okay po yung pagkagawa ng bahay. Safe na po kami rito,” pahayag naman ni Mang Eduardo, dati ring nakatira sa tinaguriang “home along da riles,” na anya’y madumi at magulo ang paligid.

Taos-pusong nagpapasalamat din si Mayor Vilma Caluag sa pamahalaan at sa DOTr dahil natutulungan ang mga kababayan niya na naapektuhan ng proyekto.

“Kasi naniniwala ako na ‘yung mabilis na pagkilos, talagang nakakagaan po sa mga nasasakupan natin kaya nagpapasalamat po ako sa DOTr sa magagandang proyektong nilalagay nila dito sa syudad ng San Fernando kaya makakaasa po kayo na 101% yung support natin,” ani Caluag.

Katuwang din ng DOTr sa relokasyon ng mga PAPs ang National Housing Authority, Department of Human Settlements and Urban Development, Social Housing Finance Corp., lokal na pamahalaan ng San Fernando at pamahalaang panlalawigan ng Pampanga sa pangunguna ni Gov. Lilia “Nanay” Pineda.

Sa oras na matapos ang buong North South Commuter Railway, bibiyahe ang 147-kilometer NSCR mula Clark International Airport sa Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna at vice versa. Ang dating mahigit apat na oras na byahe ay magiging dalawang oras na lamang. Hatid nito ay 350,000 na trabaho habang ginagawa ang 35-stations nito. Aabot sa 800,000 na pasahero ang maseserbisyuhan. Target na matapos ang Valenzuela-Malolos segment ng rail line sa taong 2027. Punto News Team/DOTr

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here