Home Opinion Sa pagitan ng mga batong naguumpugan

Sa pagitan ng mga batong naguumpugan

3209
0
SHARE

tatlong bayang mayayaman, tagisang nalalasa,
gamit nila’y mga armas, himpapawid pinagbaga, gumagambala sa pagyanig, mamamaya’y hintakot na, damay karatig lupain, dati’y lubos na payapa.

ang matagal nang sigalot, nagbalik sa kisap mata, pangsariling kasakiman, paghahari’y nais nila, gumuho man ibang syudad, sa kanila’y bale wala, ang mga naninirahan, saan saan naglulungga.

nabulabog yaring mundo, ekonomiya’y apektado, lalu’t iyong mga bayan, na mahina ang pangulo, sa krisis na tinatahak, pulitikang nasa ulo, ang kanyang mga galamay, pilit pinababango.

katutuhana’y nandito na, likhang lupit ng digmaan, tumataas lahat-lahat, sa mahirap bigat-pasan, sa mayaman ay katiting lang, lalu’t may katungkulan, kung sana’y sa kagipitan, may gobiernong maasahan.

kung ang langis di na sapat, o ni wala nang maangkat? anong uri mang sasakyan, ni hindi na makausad, karununga’t yamang lupa, matitigang ang tya’t utak, di maiwasang magsara, negosyong ano mang antas.

at ang pag-ikot ng globo, babalik sa lumang siglo, magdidilim ang paligid, dating kislap maglalaho, kaginhawaang nalasap, kahirapan ang maging anyo, pag digmaa’y di huminto, may silbi pa ba sa mundo?

sino ang may pakinabang, sa nangyayaring kagululuhan, nagpapataasang mga ihi, kahit mayro’ng nasasaktan, sa bawa’t buga ng armas, gusali,’t buhay tatamaan, bilyong dolyar ang inaksaya, gastos na walang katuturan.

kailan ito magwawakas, di sana magtatagal,
para tayong nasa gubat, ang matira ay matibay,
mga basang naki’y sisiw, sa aguila’y walang laban, sa banggahang tigre’t leon, ‘tiyakang may madadamay.

ang tulong ng bawa’t isa, dalangin ang pag-asa,
kapayapaan ang umiral, sa puso ng tatlong bansa, isaisip sana nila, mga buhay nakataya,
kasaysayan ang hahatol, masama ka o dakila?.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here