SAN LEONARDO,Nueva Ecija – Isang 3,000-square meter Vigan-inspired landscaped na bakuran. May 204-square meter main house, isang guest house, gazebo, garahe, nakahiwalay na konkretong dirty kitchen, swimming pool at lagoon.
Ang main house ay may limang silid – master bedroom at dalawang ordinaryong silid sa ibaba at dalawang silid sa attic na nagsisilbing ikalawang palapag – na walang laman na anumang kasangkapan sa loob maliban sa kama, unan, kumot at mesita, may dining table sa gitna na sa karaniwang set-up ay posibleng maging sala kung saan rin matatagpuan ang bar (may mga bote ng sari-saring alak), electric stove at refrigerator), isa pang kusina sa likod ng bar, may hindi kukulangain sa anim na split-type air-conditioning units (batay sa mga box na matatapuan sa likurang bahagi ng bahay) at isang maliit na LED television set.
Ang guesthouse ay may apat na silid, may sariling bar, lagoon mula sa ilalim ng veranda hanggang sa tagiliran, tila maliliit na pool na sinasabing Jacuzzi at yari sa bakal at konkreto. Dahong anahaw ang bubong, mga kahoy na haligi, makakapal na kahoy na dining table at upuan at billiard table ang gazebo at sa tabi nito ay isang maliit na kubong kawayan.
Ang garahe ay maikukumpara ang floor area ng isang karaniwang cuatro aguas na bahay ng karaniwang Pilipino, na may konkretong guardhouse. Hiwalay ito sa isang bahay na walang pintura (maikukumpara rin sa bahay ng mga karaniwang Pilipino, na nasa bungad ng compound sa main gate.
May sariling water tank at electric transformer. Ito ang ilan sa mga pinakamapapansin sa bahagi ng 4.5-ektrayang lupain ni Philippine National Police Director Gen. Alan Purisima sa Barangay Magpapalayok, San Leonardo, Nueva Ecija na sentro ngayon ng kontrobersiya matapos mahalungkat ng media.
Binuksan ang resthouse ng heneral sa media nitong Lunes sa gitna ng mainit na batikos sa PNP chief. Ayon kay Atty. Tito Purisima, pinsan ng kontroibersiyal na opisyal, nagdesisyon ang heneral na ipakita na sa media ang kanyang bahay dito upang iwanan na sa publiko ang paghuhusga kung ito nga ay isang tunay na mansion, kagaya ng sinasabi sa mga ulat.
“Noon pong Senate hearing, ipinaliwanag po ni Chief PNP itong bahay na ito pero kahit ano pa pong pagpapaliwanang ang kanyang gagawin, ang nasa isip ng ating mga kababayan ay yung napanood nila na film clip na kung saan kinunan po itong lugar mula sa himpapawid,” ayon sa abogado.
Nagpahiwatig pa siya ng hinala na sumailalim sa pagdu- duktor ang videp footage na lumalabas sa telebisyon. “Sa atin pong maghusga sa bahay na ito, tingnan po natin kung ito po ay matatawag na mansion,” aniya. Dalawa silang abogado, ang isa pa ay si Atty. Toby Purisima na pinsan rin ng heneral.
Ngunit kapwa sila tumangging sumagot sa mga tanong na magdi-detalye, kabilang na ang halaga ng ari-arian.
“Binansagan din po na isang Olympic size na swimming pool. Pero kung hindi po ako nagkakamali, ang Olympic size na swimming pool ay 50 meters by 25 meters. Ang sukat lang po nito ay 7.5 meters by 15 meters,” sabi ni Purisima.
Sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth ay P3.7 million ang idineklara ng heneral na halaga ng kanyang ari-arian sa bayang ito. Pero ayon sa mga ulat ay nasa P3-milyon hanggang P50-milyon ang halaga ng kontrobersiyal na ari-arian.
Sa briefing ay kinwestiyon ni Atty. Purisima ang naturang ulat ngunit nang tanungin kung magkano talaga ay iginiit niya na hindi siya ang dapat sumagot at walang kasamang open forum ang pagbubukas sa media ng resthouse.
Hindi aniya kasi nakarating ang talagang spokesperson ni Purisima at nagsasalita lamang siya bilang resulta ng raffle sa kanilang grupo kung sino ang haharap sa media. Binuksan ang mga silid ng bahay, kabilang ang silid ni Purisima, ngunit mahigpit na ipinagbawal ang pumasok sa mga ito.