Home Opinion MGA MAMAYAN WAG BIGYAN NG ISDA, BAGKUS AY TURUAN KUNG PAANO MANGISDA

MGA MAMAYAN WAG BIGYAN NG ISDA, BAGKUS AY TURUAN KUNG PAANO MANGISDA

153
0
SHARE
Kahit malayo pa itong CAMPAIGN PERIOD
may mga TARPAULINE na at mga BILLBOARD
mga pulitikong nais daw maglingkod
sa kanilang bayang pinakaiirog
may mangilan-ngilan na ring naglilibot
na sa okasyon ay biglang sumusulpot
Kahit sila’y hindi mga imbitado
sa mga okasyon ay nagsisidalo
nagpapakilala na sa mga tao
lalo na ang mga bagong kandidato
madalas may dalang alak na ALFONSO
na mayrong PANGALAN nila at LITRATO
Ang iba naman ay nang-iimbita pa
ng mga botante sa headquarters nila
upang ipabatid sa nangagsipunta
na sila’y naghain ng kandidatura
at pagkatapos ng kanilang programa
mga nagsidalo’y bibigyan ng pera
May libreng pa-ZUMBA naman ang iilan
at MEDICAL MISSION sa bawat barangay
liga ng basketball, scholarship program
para sa napili nilang mag-aaral
at lahat ng ito ‘y nangyayari lamang
sa mga panahong mayroong halalan
Mga kandidatong ubod ng susungit
kapagka halalan nagiging mabait
kahit ang sanggol pa ay ubod ng dungis
pikit mata silang dito’ y humahalik
kahit nandidiri ay nagpupumilit
masabi lang sila’y nagmamalasakit
Yan ang gawain ng ibang kandidato
na hindi kailanman dapat na iboto
sila ang uri ng mga pulitiko
na maituturing nating mga TRAPO
walang malinaw at magagandang plano
upang mapaunlad ang ating gobyerno
Mga mamayan wag bigyan ng isda
pagkat aasa lang sa libreng biyaya
bagkus ay turuan kung pa’no mangisda
at kung papano ito isagawa
dahil pag ang mali’y ating naitama
magiging maunlad itong ating bansa

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here