Home Opinion Mga amuyong sa city at municipal hall

Mga amuyong sa city at municipal hall

182
0
SHARE

May mga reklamo at mga hinaing

ang ilan sa mga kababayan natin

isa ang naglakas loob na sabihin

kung ano ang nasa kanyang saloobin

sa munisipyo raw meron siyang napansin

mga amuyong ay naglipana na rin

 

Sa labas pa lamang daw ng munisipyo

ay marami na ang naka-abang sa’yo

mga amuyong na nakiki-usyoso

kapagka mayroong darating na tao

kahit hindi sila mga empleyado

ay nagtatanong kung ano ang pakay mo

 

Di tulad kung J. O.  ang iyong nadatnan

gagabayan ka at ika’y tutulungan

ituturo sa’yo ang mga tanggapan

upang di maligaw sa’ yong pupuntahan

at pwede rin namang ikaw ay samahan

lalo  na kung ikaw ay nag-aalangan

 

Kung ang sadya  mo raw ay ang mayor’s office

sa paghihintay ay dapat kang magtiis

kung mainipin ka’t madaling mainis

ika’y magpupuyos na lamang sa galit

di umiiral ang first come first serve basis

dahil sa mayroong mga sinisingit

 

At sakaling ikaw nama’y makapasok

marami kang taong daratnan sa loob

ayon pa sa kwentong sa’kin naka-abot

sa mga usapan ay nakikilahok

ang mga amuyong na maghapon halos

na sa mayor’s office laging nakatanghod

 

Kaya’t ang taong may mahalagang sadya

sa harap ni mayor tipid magsalita

ang mga amuyong dahil naglipana

natural lamang na sila’y mahihiya

kahit na sino pang makapal ang mukha

kung may nakikinig di magsasalita

 

Lalo kung ang pakay hihingi ng tulong

o yung mga mayrong hihilinging pabor

kung may nakikinig na mga amuyong

sila’y mangingiming magsabi kay mayor

idagdag mo pa ang mga naka-miron

na palagian ng makikita doon

 

Ganyan ang eksenang ating makikita

di lang maynila kahit sa probinsiya

ang mga amuyong ay laging pabida

lalo sa kanilang mga kakilala

ang di nila alam ay  naiirita 

na ang karamihan sa gawain nila

 

Sa mga alkalde ng syudad at bayan

ang mga amuyong inyong pabantayan

madalas sila ang nagiging dahilan

sa pagkawasak ng inyong katauhan

at sila rin naman ang sanhi kung minsan

kaya natatalo kayo sa halalan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here