Pagsusuring pananampalataya

    471
    0
    SHARE

    Debate at usaping RH (Reproductive Health) bill, mga Katolikong mambabatas kontra mga Katolikong mambabatas, presidente kontra mga Obispo, at boksingero kontra senadora. Nakapagtataka na hindi magkaroon ng isang pag-iisip, ng isang tono, ukol sa isyung hindi lamang pangkalusugan kundi isyu din naman ng pananampalataya.

    Ito ay dahil ang mga Obispong Katoliko ay kontra kay PNoy at sa  mga milyon-milyong pumapabor sa RH bill na 90 porsyentong mga Pilipinong Katoliko din.

    Magkaiba ba ang naituro ng mga Obispong Katoliko kay PNoy at kay Senador Miriam Defensor-Santiago sa naiturong aral kay Congressman Manny Pacquiao na isa ring Katoliko? O sadyang matigas lamang ang puso ng ating pangulo at ni Santiago na tila mas nanaisin pa nilang matiwalag o ma-exkomunikado kesa kanilang tanggapin ang aral ng kanilang mga Obispo?

    Naisip ko tuloy kung papaano nagalit ang mga pari kay Gat. Jose Rizal, isa ring Katoliko na na-exkomunikado dahil sa kanyang pagbatikos at paglalahad ng saloobin laban sa mga pari at sa kanilang mga maling turo.

    “Napagkilala din ninyo na ang utos ng Dios ay iba sa utos ng Parí, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod, mahabang dasal, malalaking kuentas, libaguing kalmin, kundí ang mabuting asal, malinis na loob at matuid na isip,” ani Rizal sa kanyang liham sa mga kababaihan ng Malolos.

    Dagdag pa niya: “Sapagkat kalminin mo man ang lahat ng basahan sa lupá, cuintasin mo man ang lahat ng kahoy sa bundok, ibilibid mo man sa iyong baywang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat na ito’y pagkapaguran mang pagkurus-kurusan at pagbulong-bulongan ng lahat ng pari sa sangdaigdigan, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di mapalilinis ang maruming loob, di mapatatawad ang walang pagsisisi,” ani Rizal.

    Sa ganitong mga pananalita ay makikita natin na tila malaki rin ang pagkukulang ng Iglesia Katolika Apostolika Romana sa kanyang mga miyembro.

    Wala akong anomang laban sa mga Obispo at mga ordinaryong Katoliko. Subali’t nakapagtataka lamang na sa puntong dapat magkasundo ang mga miyembro ay duon pa sila nagkakabaha-bahagi at nagkakampi-kampi na siya namang ipinagbabawal ng biblia.

    Maaalalang nagkaroon din ng usapin ang mga Katoliko ukol sa paggamit ng condom, lalo na sa isyu ng sexually transmitted diseases at HIV/AIDS (Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immune Deficiency Syndrome).

    Sabagay, kailan pa ba nila naging basehan ang mga sitas sa biblia sa pagresolba sa ganitong mga usapin? Kailangan pang humahantong sa mga pagtatalo, pagkakabaha-bahagi at pagkakampi-kampi sa harap ng publiko at sa harap ng buong mundo.

    Kapatid laban sa kapatid? Karunungang pang-sanlibutan laban sa karunungang pang-sanlibutan? Kung tunay ngang nagbibigay ng liwanag ang mga alagad ng Simbahan, bakit hindi man lamang ito maaninag ng kanilang mga sumasampalataya kabilang na ang ating Pangulo at ni Santiago na parehong may pinag-aralan at matatalino? O wala nabang natitirang karunungan kay PNoy at kay Santiago? O sa mga alagad ng Simbahan?
    Huwag na tayong magtaka pa kung naghahanap man ng tunay na katotohanan ang ibang mga tao.

    Sabi nga ni Rizal: “Kung ito ang Dios na sinasamba ng Frayle, ay tumalikod ako sa ganyang Dios.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here