‘Dapat unahin ang mga may karamdaman’

    382
    0
    SHARE
    LUBAO, Pampanga – Para kay dating senior board member Lilia “Nanay Baby” Pineda, hindi man siya ang naupong gubernador ng Pampanga mula noong Julyo 2007 hanggang sa kasalukuyan, naramdaman naman umano niya na siya rin ang nasa pusisyon sa nakaraang halos tatlong taon.

    Aniya, patuloy ang pagdagsa ng mga tao sa kanilang bahay dito sa nakaraang halos tatlong taon na humihingi ng tulong lalong lalo na ang mga may karamdaman.

    “Hindi kasi pwedeng iwalang bahala ang kalagayan ng taong may sakit,” ani Nanay Baby.

    Noong Huwebes ay nagkaroon ng pagkakataong makapakinig ang Punto sa isang pagpupulong na ginanap sa bayan ng Lubao.

    Sa kanyang pagsasalita sa harap ng madaming tao, sinabi ni Nanay Baby na siya parin ang nagiging takbuhan ng mga taong humihingi ng tulong pagkatapos ng eleksyon noong 2007.

    Aniya, mas makakabuti kung lahat ng mga Kapampangan ay magiging miyembro ng PhilHealth dahil malaking tulong ito sa kanila.

    Mahigit sa 50 porsiyento ang diskwento na nakukuha umano ng mga miyembro o ng may PhilHealth cards.

    Sa isang panayam ng Punto, sinabi ni Aling Nena na taga Guagua na si Nanay Baby ang madalas na linalapitan ng mga taong may karamdaman, mga nagpapagamot at ang mga dapat na operahan.

    Dagdag pa niya na pati ang mga gamot na kailangan pagkatapos ng operasyon, bagama’t may kamahalan, ay si Nanay Baby din ang sumasagot.

    “Sa aking nakikita, ginagawa niya ito dahil sa gusto niya talagang makatulong sa mga tao. Hindi naman tumigil ang pagtulong na ito kahit pa pagkatapos ng eleksyon noong 2007,” ani Aling Nena.

    Naniniwala umano siya na mas lalong dadami ang mga taong matutulungan at maipapagamot kung si Nanay Baby ang ihahalal na gubernador ng mga Kapampangan as darating na eleksyon.

    Makikita sa harapan at sa loob ng bakuran ng bahay ng mga Pineda ang mga taong nakapila na may mga dala-dalang mga reseta at medical records.

    Ani naman ng isang grupo ng mga matatanda, hindi naman daw nasasayang ang kanilang pagpunta sa bahay ng mga Pineda dahil madalas ay umuuwi silang masaya dahil nagkakaroon ng katugunan ang kanilang mga inilapit na problema.

    Konting tiis lang naman sa paghihintay dahil madami talagang humihingi ng tulong lalo na sa panahong ito, anila.

    Sa kanyang pagkukwento sa mga tao, sinabi din ni Nanay Baby na noong 2007 eleksyon, nakita niya kung gaano karami ang mga taong nangangailangan ng medikal na atensyon at pagpapagamot.

    “Sa pagpasok namin sa mga barangay, makikita mo talaga ang napakaraming mga mahihirap na taong may karamdaman,” aniya.

    Kung sakaling palarin umano siya sa Mayo, sisikapin niya na makabili ng mga kakailanganing kagamitang pang-medikal para sa mga ospital sa lalawigan.

    Ito ay dahil sa pangunahin aniya ang paglingap sa mga matatanda at sa mga taong may karamdaman.

    “Hindi ako mangangako, gagawin ko na lamang ang nararapat para sa ating mga kabalen,” aniya.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here