BAGO PA man sumapit ang tag-ulan
ay nilibot na at kusang pinasyalan
ni Mayor EDSA ang mabababang lugar
ng city of San Fernando kamakailan
Kasama ang piling mga ‘friends in Media’
upang personal niyang maipakita
ang parteng bahain kapag umapaw na
itong Del Carmen creek, St. Jude at iba pa.
Partikular itong kabayanan mismo
na mas mababa ang lebelasyon nito
kaysa bandang norte kung kaya siguro
madaling lumaki ang ‘rainwater’ dito.
At kung saan kapag talagang malakas
ang bugso ng ulan, bumibilis agad
ang pagragasa n’yan pababa ng siyudad,
kaya’t sandali lang baha na kaagad
Ang Poblacion, San Felipe, Sta. Lucia,
San Jose, San Pedro Cutud at iba pa;
na siyang ngayon ay pinaghandaan na
ni Mayor Santiago ng ganyan kaaga
Sa pamamagitan ng pagpapa-‘desilt’
nitong sa ngayon ay ilog na maputik,
maliban pa rito sa bumabaw na ‘creek’
para bumilis ang pagkati ng tubig
Na pinaki-usap niya kay Mayor Jomar
upang sa Bacolor kwenta makiraan;
At ya’y tuloy-tuloy na dumaloy hanggang
sa may bukana ng mga kailugan
Sa dakong kanluran ng ating probinsya
patungo sa dagat kung kaya nga’t di na
posibleng ang tubig-ulan ay matengga
sa ilog na ngayo’y pinalilinis niya.
Alalaon baga, pagiging mayagap
sa panahon itong paghahanda’t sukat
ni Mayor Santiago sa naturang siyudad
para di kapusin marahil sa oras
At upang magawa niyang magampanan
ang lahat ng kanyang tungkulin sa bayan
ng buong agap at sakdal katapatan,
at walang hangaring pangsarili lamang.
Kabilang sa ilang magandang layunin
ni Mayor ay ang‘River Management Council’
na isa sa plano nitong balangkasin
Para mangalaga sa ‘regular dredging’
Ng ilog at mga sapa nitong siyudad
para manatiling sa lahat ng oras
ay malinis at di barado sa kalat
na itinatapon na lamang at sukat
Ng ibang tao r’yang walang malasakit
sa siyudad at sa kanila ring paligid,
Kaya naman kapag lumaki ang tubig
ya’y sa kanila rin naman bumabalik!
Kaya kaugnay n’yan marubdob niyang balak
bumili ng isang bagong ‘backhoe-on-barge,’
na puedeng gamitin kahit anong oras
kailangang hukayin ang ilog ng siyudad
Sa puntong naturan, kung itong lahat na
ng mga kasiyudad ay susundin nila
ang tamang pagtatapon n’yan ng basura,
lahat ng daanang-tubig di babara.
At ang ninanais ni Mayor Santiago
para sa siyudad ay matupad ng husto,
gaya ng iba pang nakasangga nito
sa nangakaraan sa pangungubyerno.
Kung saan maliban sa tiyaga at sipag,
minsan ay kailangan din namang ilangkap
ng isang lider sa malayang pagtupad
ng kanyang tungkulin ang maging maagap!