(KARUGTONG NG SINUNDANG ISSUE)
MANTAKIN MO namang bilyons ang halaga
Nitong salapi na kanilang binulsa,
Na dapat nga sana ya’y sa ospital na
Inilaan upang maponduhan nila?
Balikan natin ang isyu hinggil dito
Sa ‘privatization’ at ‘side effect’ nito
Sakalit tuluyang mangyari ang gusto
At balaking ito ng rehimeng Aquino.
Una, katulad ng nasabi na natin,
Saan sa akala nitong magagaling
Na Solons at ibang kakampi ng ating
Butihing pangulo posibleng sumuling
Ang nakararami nating kababayan,
Na tunay naman ding walang matakbuhan
Kundi pampublikong mga pagamutan
Kapag dinapuan yan ng karamdaman.
Dahilan na rin sa naisin man nila
Itong sa pribadong ospital magpunta
Ay di naman nga n’yan magagawa basta
Kung ni pang-‘deposit’ man lang wala sila.
Kaya saan pa ba tutungo kung hindi
Sa ‘faith healer’ na siyang animo ay suki
At siyang tunay na takbuhan palagi
Ng nakararamng kapos sa salapi?
(At kung saan ala-suwerte ang pag-galing
O walang garantya na sila’y gagaling,
Bagama’t kung minsan ay may gumagaling
Dala na rin marahil ng panalangin).
Kaya ano’t kaysa ninanakaw lamang
Ng ilang kunwari’y ating ‘public servant’
Ang salaping galing sa pawis ng bayan,
Ba’t di maglaan yan sa ‘public hospital?’
Ng malaki-laking halaga o pondo
Para sa gamot at iba pang serbisyo
Upang itong pagamutan ng gobyerno
Ay maasahan ng karaniwang tao
Na ni kahit bulak at alcohol yata
Ay walang ‘stock’ yan sa E.R. kung kaya
Ang pamilya nitong pasyente ang tila
Obligado para bumili ng kusa?
Yan sa personal na naging karanasan
Ni ‘yours truly’ sa’ting pribadong ospital
Ay nasaksihan kong hindi nalapatan
Ng pangkagipitang atensyong medikal
Ang tinulungan ko diyan sa JBL
Na kaawa-awa po nating Kabalen,
Na talaga namang kahit singkong duling
Ay wala sa bulsa nang siya’y magpatingin
Sa naturingan pa manding pang-rehiyonal
Nating ospital sa ating lalawigan,
Pero ni bulak at acohol ba naman
Ay wala sila sa oras na kailangan?
Sa ganang akin ay mas makabubuting
Yan ay pag-ukulan ng matamang pansin
Ni PNoy – at hindi ganyang balakin
Na ‘privatization’ ang marapat gawin
Kundi maglaan ng malaking bahagi
Mula sa kabundok na pananalapi
Nitong Inangbayan sa ganitong uri
Ng serbisyo para epektibo lagi
At di itong balak na ‘privatization’
Ng pamahalaan ang makatutugon
Sa problema sa kalusugan ng nasyon,
Partikular na riyan sa ‘poorest of the poor!’