Home Headlines 5K Zambaleño, nakatanggap ng handog na serbisyo sa kaarawan ni PBBM

5K Zambaleño, nakatanggap ng handog na serbisyo sa kaarawan ni PBBM

178
0
SHARE

BOTOLAN, Zambales (PIA) — Nasa 5,000 Zambaleño ang nakinabang sa idinaos na “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” caravan sa bayan ng Botolan.

Ang naturang aktibidad ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-69 na kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Bilang kinatawan ni PBBM sa okasyon, sinabi ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and Chief Executive Officer Beverly Lorraine Ho na layunin ng Handog ng Pangulo caravan na ilapit ang mga pangunahing serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan nang direkta at mabilis sa mga mamamayan.

Bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa idinaos na Handog ng Pangulo sa Zambales, sinabi ni Philippine Health Insurance Corporation President and Chief Executive Officer Beverly Lorraine Ho na layunin ng caravan na ilapit ang mga pangunahing serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan nang direkta at mabilis sa mga mamamayan. Para kay Pangulong Marcos, ang pinakamakahulugang regalo sa kaarawan ay ang pagkakataong makapaglingkod at magbalik-tulong sa bawat mamamayang Pilipino. (PIA 3)

Para kay Pangulong Marcos, ang pinakamakahulugang regalo sa kaarawan ay ang pagkakataong makapaglingkod at magbalik-tulong sa bawat mamamayang Pilipino.

Ang malawakang aktibidad ay magkatuwang na isinagawa ng mga pambansang ahensya ng pamahalaan at ng lokal na pamahalaan ng Zambales upang magkaloob ng mga serbisyong pangkalusugan, tulong sa pangkabuhayan at trabaho, mga pagkakataon para sa mga estudyante at manggagawa, pati na rin suporta para sa mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante.

Kabilang dito ang nasa 3,100 tumanggap ng tig-10 kilo ng bigas sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang.

Ang rice distribution ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapalawak ang serbisyong panlipunan at matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya sa komunidad.

Nasa 1,113 naman ang nakatanggap ng tig 2,000 libong piso ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development at 66 naman ang tumanggap ng allowance mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

Sa larangan ng kalusugan, ang 13 rural health units ay nakapagsagawa ng mga basic community-based public health and primary care services na may kabuuang 11,833 serbisyong pangkalusugan sa buong lalawigan.

Nakapaloob rito ang 1,078 medical consultations sa pamamagitan ng Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP ng PhilHealth at 991 pamamahagi ng medisina sa ilalim ng Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient o GAMOT.

Kasama rin sa ipinagkaloob na serbisyong pangkalusugan ang surgical, dental, maternity, TB at cancer screening, laboratory, immunization, at diagnostic services.

Nagpamahagi rin ng Department of Agriculture ng iba’t ibang farm inputs tulad ng onion seeds, plastic crates, inorganic at bio fertilizer, knapsack sprayer at iba’t ibang uri ng buto ng gulay.

Sa panayam kay Gobernador Hermogenes Ebdane Jr., sinabi nitong nakikita at nararamdaman ng bawat Zambaleño na hindi sila pinapabayaan ni Pangulong Marcos dahil sa mga suporta at sa personal na pagbisita nito sa lalawigan noong kasagsagan ng Habagat.

Para naman kay Maribel Cabalic; isang katutubong Aeta na may anim na anak mula sa Naculcul, Botolan na nakatanggap ng 10 kilong bigas at P2,000 AICS; bagamat malayo ang kanilang komunidad, nararamdaman nila ang kalinga ng pamahalaan na walang sawang umaabot upang maghatid ng serbisyo. (CLJD/VFC-PIA Region 3, Zambales)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here