Tila masuwerting hindi nasaktan ang driver at dalawang pahinante ng L-300 van na ilang metrong umusad sa kalsada ng nakatagilid matapos mabangga ang kotse.
Masuwerti ring walang ibang kasalubong na sasakyan ang L-300 habang nakatagilid itong umuusad gayong abalang kalsada ang Roman highway.
Maging ang driver ng kotseng Innova na si Edwin Encinas ng Orion, Bataan ay hindi rin nagalusan gayong yupi ang magkabilang gilid ng sasakyan at bumangga pa sa puno.
“Tumama ang gulong ko sa mataas na bahagi ng kalsada. Malakas ang ulan kaya pagbawi ko ng manibela hindi ko na nakontrol at umikot. Tumama ang sasakyan ko sa Innova, tapos tumagilid at bumangga sa tricycle,” sabi ni Alfredo Molina ng Olongapo City.
Galing Olongapo City ang delivery van at papuntang Bagac, Bataan. Yupi ang tagiliran ng L-300 at nawasak ang isang bintana sa unahan.
Ayon kay city marshal Christoper Bacani, galing north ang L-300 van samantalang kasalubong naman ang Innova.
“Nag-slide ang L-300 at dinumog ang kasalubong na kotseng Innova at pagkatapos bumangga sa tricycle,” sabi ni Bacani.
Ang tricycle na pag-aari ni Noli Due ay walang tao at nakaparada sa harap ng kanyang tindahan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Balanga City police.