MASINLOC, Zambales — May 220 residente ng Sitio Mandaloy, Barangay Taltal sa bayang ito ang napagkalooban ng libreng serbisyo sa pang-anim na Serbisyo Caravan na isinagawa ng municipal Task Force-ELCAC.
Pinanunahan ang paglilingkod ni MTF-ELCAC chair Mayor Arsenia J. Lim sa pakikipagtulungan ng DILG, 3rd Mechanized Infantry Battalion, PNP, Situational Awareness and Knowledge Management (SAKM) Cluster ng RTF-ELCAC 3 at ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang mga nasabing residente ay pinagkalooban ng libreng gamot at consultation, pagkuha ng libreng birth certificate at registration sa PSA, pagkuha ng police clearance, pagkuha ng national ID, Covid-19 vaccination, libreng binhi, abono at libreng gupit kasabay ang pagbibigay ng impormasyon patungkol sa panlilinlang, panre-recruit at pang-aabuso ng mga terorista sa ibat-ibang sektor ng lipunan ng SAKM Cluster ng RTF ELCAC 3 at ang pagbibigay ng karanasan ng dating rebelde sa katauhan ni Darlyn Jane Mon bilang patunay sa hirap ng kanyang pinagdaanan noong siya ay nasa loob pa ng kilusan.
Sa naging mensahe ni Mayor Lim, ipinaliwanag nito ang kahalagahan ng mga programa ng pamahalaan at ang pagpupursige na maipaabot ang iba’t-ibang serbisyo ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan upang maiwasan ang panlilinlang ng komunistang grupo.
“Napakaganda ng mga programa ng ating gobyerno, dahil nais naming iparamdam sa inyo hanggang sa kaliblibang pook ng ating bayan ang mga serbisyo at pagmamahal sa ating mamamayan.
Walang dahilan para labanan ang gobyernong nagmamahal sa inyo, walang dahilan para sumama pa kayo sa mga makakaliwang grupo para sirain at tuligsain ang gobyernong maayos maglingkod sa mga tao. Hangad namin ang inyong kooperasyon at suporta upang sa gayon ay tuloy-tuloy ang pag-asenso at pag-unlad ng ating bayan,” dugtong pa ng alkalde.
Nagpasalamat naman si Ramir Hermosilla, punong barangay ng Taltal, sa mga serbisyo at programa ng pamahalaang lokal ng Masinloc kasama ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan.
Pinaalalahanan naman ni Lt. Col. Jeszer M. Bautista, acting commanding officer ng 3MIB, ang mga residente sa nasabing lugar na sila’y makipagtulungan sa mga programa ng pamahalaan upang tuloy-tuloy pa ang pagpapaabot ng mga serbisyo at matugunan ang kanilang pangangailangan.
Kasama sa dumalo sa naturang activity sina Niño Anthony E. Balagtas, regional director ng National Intelligence and Coordinating Agency; Cindy Cagalitan, municipal local government operations officer ng Masinloc; Maj. Ronaldo Valenzuela, deputy for police community affairs and development unit ng Zambales PNP; Capt. Norman Oliver H. Adlaon, commanding officer ng 33rd Mechanized Infantry Company, 3Mech Bn; 1LT Jefferson V. Tungpalan, CMO Officer ng 3Mech Bn; Masinloc police, at 13 miyembro ng Officer Candidate Course Class 56-2022.