SAN MARCELINO, Zambales — Umarangkada na sa bayang ito ang ika-21 taon pagdiriwang ng matingkad na Singkamas Festival simula Feb. 18 at magtatapos sa Feb. 23.
Layunin ng pagdiriwang na itampok ang ani ng bayan, pasalamatan ang kasaganahan, palakasin ang lokal na turismo ,at matulungan ang mga magsasaka at negosyante.
Pinaka-aabangan sa Singkamas Festival ang grand parade, street dancing competition, drum and lyre competition, farmers at vendors night, concert at iba pang aktibidad na inihanda ng pamahalaang bayan ng San Marcelino para lalo pang mapalakas ang lokal na turismo sa nasabing bayan.
Bilang bahagi ng selebrasyon, ibinalik ang drum and lyre competition ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Elmer Soria upang ipakita ang kahusayan ng mga kabataan sa sining ng musika at pagganap.
Labing-isang elementary school ang naglaban-laban sa paligsahan sa pagtugtog nitong Feb. 19 kung saan tinanghal bilang kampeon ang San Guillermo Elementary School na tumanggap ng premyong P100,000; pumangalawa ang San Marcelino Elementary School na tumanggap ng ₱80,000; nag-tie sa 3rd place ang Laoag Integrated School at Linasin Elementary School na tumanggap ng ₱50,000.
Samantala, ang mga hindi nanalo ay tumanggap ng consolation prize.
Ang Best in Uniform ay nag uwi ng P15,000. Tumanggap naman ng tig-P10,000 ang dalawang paaralan sa Best in Playing of Bagong Pilipinas Hymn. Inuwi naman ng San Marcelino Elementary School ang Best in Baton.
Naniniwala si Mayor Soria na ang ganitong kompetisyon ay hindi lamang tagisan ng galing at kahusayan, kundi isa din itong pagdiriwang ng talento, disiplina, at pagkakaisa.
Idinagdag pa ng alkalde na laging nakasuporta ang LGU San Marcelino sa lahat ng programa ng DepEd-San Marcelino.
Sa pagtatapos ng Singkamas Festival sa linggo, Feb. 23 ang street dancing competition ang siyang pinaka-aabangan ng lahat. Photos: San Marcelino PIO