Fish kill. Kuha ni Rommel Ramos
OBANDO, Bulacan — Naglutangan sa tubig ang mahigit dalawang toneladang bangus sa isang palaisdaan sa Barangay Pag-asa dahil sa biglaang pagbabago ng temperatura bunga ng pag-ulan sa kasagsagan ng mainit na panahon.
Ayon sa bantay ng palaisdaan na si alyas Erwin, biglang nakaranas ng pag-ulan sa kanilang lugar sa kasagsagan ng mainit na panahon kayat biglang nabago ang temperatura ng tubig na nauwi sa fish kill.
Dalawang sunod na hapon nitong Miyerkules at Huwebes na umuulan sa bandang hapon dahilan para magsilutangan ang umabot na sa dalawang toneladang bangus.
Malapit na daw sana nilang anihin ang mga alagang bangus ngunit namatay pa.
Tinatayang umabot na sa milyong piso ang halaga ng mga namatay na bangus.
Inilagay na lamang nila sa mga sako ang mga patay na isda at mabubulok din naman daw ito kalaunan kayat hindi na nila ibinaon sa lupa.