2 pekeng ticketing agent kalaboso

    351
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan— Kalaboso ang dalawang kalalakihan matapos silang bumagsak sa kamay ng mga operatiba sa isang entrapment operation dahil sa pagpapanggap sa internet bilang ticketing office ng Cebu Pacific Airlines.

    Nakapiit ngayon sa Hagonoy Municipal Jail ang mga suspek na nakilalang sina Jomar Payongayong, 25, at John Michael Cruz, 20, kapwa residente ng bayan ng Hagonoy.

    Ayon sa ulat ng Hagonoy PNP, dumulog sa kanilang tanggapan ang biktimang si Waynna Perez, 46, residente ng Pateros, Metro Manila upang ireklamo ang dalawang suspek.

    Ayon sa ulat, gumawa ang mga suspek ng isang internet account ng Cebu Pacific at nagpapanggap bilang ticketing office.

    Nang makita ng biktima sa internet ang logo ng Cebu Pacific ay doon siya napunta sa internet account na ginawa ng mga suspek at doon na ito nakipagtransaksyon dahil mura ang promo ng mga ito.

    Nagbayad ang biktima ng paunang bayad na mahigit P10,000 para sa unang dalawang ticket ngunit hindi naman daw ito nakatanggap ng kumpirmasyon mula sa pekeng ticketing office. Muli siyang nakipagtransaksyon sa mga ito at nagbayad muli ng mahigit P21,000 ngunit wala pa ring natanggap na kumpirmasyon.

    Dahil dito ay nagtungo na sila sa main office ng Cebu Pacific at doon nila nalaman na peke ang kausap nila sa internet. Ngunit muli na naman daw na nakipagtransaksyon sa kanya ang mga suspek kayat nagtungo na ang biktima sa himpilan ng pulisya para sa ikadarakip ng mga ito.

    Naberipika naman na sa LBC Hagonoy wini-withdraw ng mga suspek ang bayad ng biktima kayat ikinasa ng PNP ang isang entrapment operation.

    Nang muling nagtungo ang mga suspek sa LBC Hagonoy branch upang muling kumubra ng pera ay doon na naaresto ang mga ito.

    Hindi naman nagbigay na ng pahayag ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong swindling at paglabag sa Anti Cyber Crime Law.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here