2 patay, 401,128 apektado ni Falcon sa Bulacan

    379
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Dalawa ang nasawi sa halos kalahating milyong Bulakenyo naapektuhan ng pagbahang hatid ng bagyong Falcon na sumalanta naman sa halos P130-milyong halaga ng pananim sa Bulacan.

    Bukod dito, 44 na kabahayan ang nasira sa Lungsod ng Meycauayan at bayan ng Obando matapos manalasa ang isang buhawi noong Biyernes ng gabi kung kailan ay patuloy ang pagbuhos ng ulan habang palabas ng nasa ang bagyo.

    Agad namang kumilos ang pamahalaang panglalawigan sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino Alvarado upang maghatid ng mga tulong o mga relief goods partikular na sa mga Bulakenyong inilikas sa mga ligtas na lugar. 

    Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), umabot sa P6.230-milyon ang halaga ng mga relief goods na agarang ipinamahagi.

    Ngunit hindi pa rin tapos ang problema sa pagbaha dahil noong Lunes, Hunyo 27 ay nagsimula namang lumubog ang ilang barangay sa Calumpit at Pulilan sanhi ng backfloods.

    Ayon pa sa ulat ng PDRRMO, ang dalawang biktima ng pagkalunod ay nakilalang sina Rany Bernardo, isang taomg gulang ng Barangay Sto. Nino, Hagonoy, at Glen Bermitico, 22, isang residente ng Barangay Sta. Rosa 1st, Marilao.

    Napag-alaman na ang batang si Bernanrdo ay nahulog sa tubig baha at nalunod samantalang si Bermitico ay naligo sa baha hanggang sa maanod.

    Sila ay dalawa  lamang sa nasawi sa may 490,665 Bulakenyo na naapektuhan ng walang humpay na ulan na tumagal ng halos limang araw.

    Batay sa tala ng PDRRMO, umabot sa 22,869 Bulakenyo ang inilikas sa mga ligtas na lugar sa kasagsagan ng ulang hatid ng bagyo noong Biyernes ng gabi, Hunyo 24.

    Umabot naman sa mahigit P66-milyon ang halaga ng napinsalang pananim at iba pang kabuhayan sa lalawigan sanhi ng mga pagbaha na nagpalubog sa mahigit 115 barangay.

    Ilan sa mga barangay ay umabot sa apat na talampakan ang lalim ng tubig tulad sa Marilao at Meycauayan, ngunit karaniwan ay isa hanggang dalawang talampakan lamang.

    Dahil sa pagbaha, pansamantalang natigil ang pagdaan ng mga maliliit o light vehicles sa kahabaan ng MacArthur Highway sa pagitan ng Meycauayan at Marilao noong Huwebes at Biyernes.

    Ayon sa ulat ng Provincial Agriculture Office (PAO) sa PDRRMO, higit ang pinsala sa mga palayan na umabot sa mahigit P52.72-milyon ang pinsala samantalang umabot sa higit P27.21-milyon sa pangisdaan at higit sa P51.51-milyon ang nasalanta sa mga gulayan.

    Bukod sa mga ito, iniulat din ng PDRRMO na umabot sa 14 na kabahayan ang tuluyang nasira at 29 ang partially damaged matapos  manalasa ang isang buhawi sa Lungsod ng Meycauayan at bayan ng Obando noong Biyernes ng gabi.

    Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO, nakatulong ang mga rescue groups at mga DRRMO ng bawat bayan sa pagbibigay ng babala sa mga tao sa panahon ng kalamidad.

    Inihalimbawa niya ang mga rescue group at DRRMO na nagsipagbantay sa Sta. Maria-Bocaue River, upang kung sakaling upaw ang ilog ay agad silang makatugon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here