SAN JOSE CITY – Dalawang lalaki mula sa lalawigan ng Cavite ang inaresto ng mga elemento ng Provincial Public Safety Company (PPSC) matapos mahulihan ng tablang narra na walang kakulang dokumento sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Tayabo sa lungsod na ito nitong Miyerkules ng umaga.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Joey Maranan, 37, may-asawa at residente ng Barangay Sampaloc IV, Dasmariñas at Richard Eric Abrio,44, ng Barangay Buenavista 3, Gen. Trias, kapwa ng Cavite.
Kinumpiska ng mga otoridad ang tinatayang 329. 6 board feet ng narra at ang van na ginagamit sa pagbibiyahe, ayon sa pulisya.
Ayon kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng PPSC-Nueva Ecija Police Provincial Offi ce, ang mga suspek ay nasakote ng tropa nito sa pangunguna ni Senior Insp. Alexander Reyes sa isang anti-criminality checkpoint bandang als 4:30 ng umga.
Pinara umano ng mga operatiba ang van (UUO-868) para sa isang plain view inspection nang makita ang mga piraso ng kahoy sa loob nito. Wala umanong maipakitang dokumento para sa pagbibiyahe ng kahoy ang dalawang lalaki nang sitahin kaugnay nito.
Dahil dito ay tinawagan, aniya, ng mga pulis ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magsagawa ng karampatang hakbang.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 ang mga suspek.