LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Umangat na sa 2.5 milyong Bulakenyo ang nairehistro ng Philippine Statistics Authority o PSA sa ipinaiiral na Philippine Identification System o PhilSys na kilala rin bilang national ID.
Ayon kay Len Nacion, registration officer II ng PSA Bulacan, katumbas ito ng 74 porsyento ng 3.7 milyon na populasyon ng Bulacan base sa 2020 Census ng PSA.
Sa loob ng nasabing bilang, nasa 697,943 libo ang napadalahan na ng mismong pisikal na PhilSys ID sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation.
Sila ang mga nakapagparehistro mula noong Pebrero 2020 hanggang Hulyo 2022.
Nasa 327,901 naman ang pansamantalang binigyan ng E-PhilID o electronic Philippine Identification sa pamamagitan ng mga pamahalaang barangay.
Layunin ng PSA na kaya binigyan ng E-PhilID ang mga wala pang pisikal na PhilSys ID, ay upang magamit na ang ID number sa mga pakikipagtransaksiyon.
Habang prinoposeso na ang E-PhilID ng nasa 1.4 milyon pang nakapagparehistro na.
Nagpaalala naman si Cristy Lopez, statistical specialist II ng PSA Bulacan, sa mga financial institutions gaya ng mga bangko at mga kooperatiba na sapat na ang mga pisikal na PhilSys ID at maging ang E-PhilID bilang valid government ID.
Ito ay naaayon sa Memorandum No. 2022-044 ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP kung saan inuutusan ang mga financial institutions na tanggapin bilang valid government ID ang E-PhilID.
Iba pa rito ang Memorandum No. 2021-057 ng BSP na nag-uubliga sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan at sa buong pribadong sektor na kilalanin ang pisikal na PhilSys ID sa mga transaksiyon ng karaniwang mamamayan.
Binigyang diin naman ni Nacion na sadyang hindi isinama ng PSA ang pagkakaroon ng pirma o e-signature sa mga pisikal na PhilSys ID at maging sa E-PhilID.
Bahagi aniya ito ng security feature upang walang maging dahilan upang magaya ang mga pirma at maging ang e-signature.
Kaugnay nito, kasalukuyan nang nirerepaso ng PSA ang PhilSys Integration Plan kung saan isinasaayos ang mga features at protocols upang magamit ang PhilSys ID sa mga transaksiyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Halimbawa rito ang pag-integrate sa PhilSys ng GWAPS ng Government Service Insurance System, UMID ID ng Social Security System, PhilHealth Card kung saan nandoon ang PIN Number ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth at iba pang ahensya na kasalukuyan ay may kanya-kanyang umiiral o ginagamit na mga ID.
Ito ang magsasakatuparan sa layunin ng PSA na maging ganap na single ID system itong PhilSys ID sang-ayon sa Republic Act 11055 o ang Philippine Identification System Act. (CLJD/SFV-PIA 3)