Home Headlines 130 Taon ng Kabayanihan: Muling Binalikan ang Kuwento ng Sigaw ng Nueva...

130 Taon ng Kabayanihan: Muling Binalikan ang Kuwento ng Sigaw ng Nueva Ecija

150
0
SHARE
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija — Mula sa mga pahina ng aklat tungo sa isang pampublikong lugar, muling binibigyang-buhay ang kuwento ng mga bayani at ang mahalagang papel ng Nueva Ecija sa Himagsikang Pilipino bilang bahagi ng paggunita sa ika-130 anibersaryo ng Sigaw ng Nueva Ecija.
 
Pormal na binuksan nitong Lunes, Agosto 31, sa 4th Level Roof Park ng SM City Cabanatuan ang isang linggong selebrasyon na naglalapit sa kasaysayan sa publiko, lalo na sa mga kabataan.
 
Pinagtipon ng programa ang mga historyador, guro, alagad ng sining, heritage advocates, mga inapo ng mga bayani ng Himagsikan, at mga miyembro ng komunidad.
 
Inorganisa ito ng First Nueva Ecija NGOs-POs Partnership for Development, sa pangunguna ni Ms. Irma Cecilio, katuwang ang SM City Cabanatuan.
 
Tampok sa pagdiriwang ang isang exhibit tungkol sa Himagsikang Pilipino noong 1896, na bukas mula Agosto 31 hanggang Setyembre 2. Layunin nitong mas mailapit sa publiko, partikular sa mga kabataan, ang mga pangyayari at personalidad na may kaugnayan sa pakikibahagi ng Nueva Ecija sa rebolusyon.
 
Sa halip na manatili lamang sa mga silid-aralan at aklat ang lokal na kasaysayan, inilagay ang exhibit sa isang pampublikong espasyo upang mas maraming estudyante, pamilya, at mallgoers ang magkaroon ng pagkakataong matuklasan ang kuwento ng kanilang lalawigan.
 
Bahagi rin ng selebrasyon ang pagsasanib ng kasaysayan at sining. Isasagawa sa Setyembre 2 ang isang on-the-spot art contest kung saan bibigyang-kahulugan ng mga kalahok na malikhaing mag-aaral sa pag pinta, sa pamamagitan ng kanilang mga obra ang mga kuwento ng mga bayaning taga-Nueva Ecija at ang pakikibaka para sa kalayaan.
 
Sinundad ito ng isang art exhibit mula Setyembre 3 hanggang 6 na magtatampok ng mga likhang-sining na inspirasyon ang kasaysayan, kultura, at pamana ng Nueva Ecija.
 
Naging mas makahulugan ang pagbubukas dahil dumalo rin ang mga taong may direktang kaugnayan sa kasaysayan ng Himagsikan sa lalawigan.
 
Kabilang dito si Director Alvin Alcid ng National Historical Commission of the Philippines, gayundin si Benedict Valmonte Pablo, isang inapo ni General Pantaleon Valmonte, at si Rose Natividad Palou-Policarpio, isang inapo ni Atty. Mamerto Natividad Sr., dumalo rin si Lorelei O. Soriano, inapo ni Heneral Mariano Llanera at Francesca Deus na kaapoapuhan ni Heneral Manuel Tinio, kapwa mga prominenteng personalidad sa kasaysayan ng Himagsikan sa Nueva Ecija.
 
Katuwang rin ang mga opisyal ng Department of Education Cabanatuan City Schools Division, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng edukasyon sa pagpapanatiling buhay ng kasaysayan para sa susunod na henerasyon.
 
Para kay Cecilio at sa mga organisasyong kalahok sa pagdiriwang, ang ika-130 anibersaryo ng Sigaw ng Nueva Ecija ay hindi lamang pag-alala sa mga pangyayaring naganap mahigit isang siglo na ang nakalipas.
 
Isa rin itong pagkakataon upang muling pag-ugnayin ang komunidad sa mga kuwento ng mga taong tumulong humubog sa pagkakakilanlan ng probisya.
 
Ang pamana ng Himagsikan ay hindi lamang makikita sa mga pangalan at petsang nakasulat sa mga aklat. Patuloy itong nabubuhay sa mga pamilyang nag-iingat ng kuwento ng kanilang mga ninuno, sa mga kuwentong naipapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod, at sa mga komunidad na patuloy na nagsisikap na mapangalagaan ang kanilang kasaysayan.
 
Sa paggunita ng Nueva Ecija sa 130 taon mula sa Sigaw ng Nueva Ecija ay nagsisilbing paanyaya sa publiko na huminto sandali, balikan ang nakaraan, at muling kilalanin ang tapang at sakripisyo ng mga taong naging bahagi ng kuwento ng lalawigan.
 
Bukas sa publiko ang historical exhibit at mga kasunod na aktibidad sa 4th Level Roof Park ng SM City Cabanatuan mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here