Home Opinion Water impounding area, tila napapanahon na

Water impounding area, tila napapanahon na

1562
0
SHARE

1.
Kung ang plano ng pangulo ay hindi sana kinontra
na itayo sa Candaba ang water impounding area
maaring sa panahon natin ngayon  ay tapos na
at sa malalim na baha’y wala sanang nagdurusa
pangmatagalang solusyong lunas sana sa problema
ay hindi sinang-ayunan ng babaeng kongresita
2.
Hindi lang sana Pampanga ang dito’y makikinabang
kundi pati na karatig nating mga lalawigan
ang water impounding area kundi sana tinutulan
ang malawakang pagbaha sana ay maiiwasan
hindi sana nakalubog halos lahat ng lansangan
wala sanang nasalanta’t nawasak na kabahayan
3.
Ang higit tatlumpung libo na ektarya ng lupain
na lawak ng Candaba swamp magagamit sana natin
dahil ito’y magsisilbi bilang flood retention basin
ng tubig galing sa ilog ng San Miguel at Maasim
ang latian sa Candaba muna ang siyang pupunuin
bago sana sa  Pampanga river  ay padadaluyin
4.
Sa ganitong sistema ay maiiwasang magiba
mga flood control project na mahina ang pagkagawa
kahit matibay ang slope protection ay magigiba
pag ang daloy ng tubig sa mga ilog ay ragasa
at kapag ang agos naman ay banayad at payapa
maaaring maiwasan ang mabilis na pagbaha
5.
Ano ang saysay ng dredging na nais ng mambabatas
na di naging epektibo sa panahong nakalipas
dahil bukod sa magastos ay aksaya lang sa oras
na ayon nga pangulo ay pansamantalang lunas
dahil ang tubig na galing sa lugar na matatas
ay may kasama ring putik na sa ilog ay babagsak
6.
Proposal ni PBBM dapat munang pag-aralan
at isipin na mabuti kung ito ang kasagutan
sa malawak na pagbaha natin na nararanasan
lalo rito sa Pampanga at iba pang lalawigan
at sana ang kontratista ay mula sa bansang Japan
nang sa gayon ang korapsiyon ay ganap na maiwasan
7.
Kung sakali mang matuloy na gawing impounding area
ang malawak na lupain sa may bayan ng Candaba
mga lupang pag-aari nitong mga magsasaka
ay bayaran ng gobyerno sa makatwirang halaga
upang kahit papaano’y pakinabangan pa nila
ang kanilang mga lupang hindi na natatamnan pa

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here