Patay ang drug suspect na si Ranilo Padilla, residente ng St. Martha Homes, Batia Bocaue matapos umanong manlaban sa kapulisan.
Ayon kay Senior Supt. Chito Bersaluna, OIC-provincial police director, nagsagawa ng buy-bust operation ang Bocaue PNP at ang Provincial Intelligence Division laban sa suspect nguni’t nang makatunog ito na pulis ang katransakyon ay bigla nitong pinaputukan ng baril ang mga operatiba.
Mabuti na lamang aniya na nakailag ang mga kapulisan sa tama ng bala kung kaya’t gumanti ang mga ito ng putok.
Dito na napatay ang suspect at nagtamo ng tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan.
Ani Bersaluna, walang permanenteng tirahan ang suspect at palipat-lipat ng tinutuluyan upang makapagbenta ng illegal na droga.
Base sa pagtatanong nila sa ama ng suspect ay pitong beses na itong nakukulong sa mga kasong robbery at drug-related crimes.
Dagdag pa niya hindi nagtatagal ang suspect sa isang lugar dahil pinapaalis ito ng mga kapitbahay kapag nalalaman na sangkot ito sa illegal na droga.
Narekober sa suspect ang mga sachet ng hinihinalang shabu, mga bala at isang .38 revolver. Tanggap naman ng ama ng suspect na si Leonardo Padilla ang sinapit ng anak dahil na nga sa ilang ulit na din itong nakukulong.
Aniya puro robbery lamang ang alam niyang naging kaso ng anak at hindi umano sangkot ito sa droga.
Samantala, tatlo naman ang naaresto sa Barangay Batia sa Bocaue.
Ang target ng operasyon ay ang suspek na si Dennis De Silva, alyas Denden, na kumagat sa patibong ng isang poseur-buyer.
Wala nang nagawa pa si Denden nang ito ay arestuhin.
Naaresto din ang dalawa pang mga suspect na sina Jordan Santiago at Venir Atendido na nakasabay ng poseur- buyer ng bumibili ng droga kay Denden.
Ayon kay Supt. Jowen Dela Cruz, hepe ng Bocaue PNP, dahil sa tuloy- tuloy ang kanilang kampanya laban sa droga ay naaresto ang tatlong suspect at napatay naman ang isa pang tulak ng shabu.
Aniya, kanilang iimbestigahan kung anong grupo ang kinaaaniban ng mga ito.
Nasamsam sa mga suspect ang mga sachet ng shabu na may street value na P5,000 at marked money.
Nakapiit na ngayon ang tatlo sa Bocaue PNP na mahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act o RA 9165.