Bago ang switch-on, nagtanghal muna ang Gamma Penumbra at ilang kabataan. Nagsisikip ang plaza at paligid sa dami ng taong sumaksi sa binansagang “Paskong Samaleno.”
Pinangunahan ni Mayor Gene dela Fuente ang countdown.
“Sampung araw na lang at ipagdiriwng na ang pinakamakulay, pinakamakahulugang kaarawan, ang kaarawan ng Panginoon,” sabi ng mayor.
Nakahanay sa plaza ang maraming Christmas tree na 20 talampakan ang taas samantalang sa center island ng katabing kalsada ay nakabitin sa mga poste ang mga chandelier.
Nagniningning ang lahat ng ito sa kaputian dahil pawang gawa ang mga ito sa kapis. May ilang iba ang kulay dahil sa kulay ng Christmas lights ngunit hindi maitatagong gawa ito sa kapis.
Kapansin-pansin din ang malaking belen sa harap ng munisipyo na bukod kay Maria, Jose at Hesus ay may pastol, tupa at ang Tatlong Hari sakay o akay ang kanilang kamelyo. Gawa ang mga ito sa lumang damit, kugon at kawayan.
Ang municipal hall ay nababalot din ng maningning na dekorasyon at ilaw samantalang ang arko papasok sa public market ay napapalamutian ng maliliit na parol.