Home Headlines What I did for love

What I did for love

898
0
SHARE

TUMAMA SA taóng ito ng 2024 ang Valentine’s Day sa Ash Wednesday o Miyerkoles ng Abo, ang simula ng Kuwaresma para sa ating mga Katoliko. Sasabihin ko ba sa mga nagbabalak na mag-celebrate ng araw ng mga puso, “Sorry, wala munang Valentine’s Day ngayon dahil Ash Wednesday, araw ng penitensya?“ Meron pa bang mas makabuluhan at mas magandang pagkakataon para makapag-date ang mga nagmamahalan kaysa magsimba na magkasama sa araw na ito ng Miyerkoles ng Abo? Sorry, hindi hugis puso kundi hugis-krus ang iguguhit sa mga noo ninyo.

Hayaan nyong i-focus ko sa aking pagninilay sa mga pagbasa natin sa araw na ito ang tema ng pag-ibig. Sa unang pagbasa pa lang, dinig ko na sa mga salita ng propetang si Joel ang tinig ng pag-ibig mula sa Diyos na nagsusumamo sa kanyang bayan, “Magbalik-loob ka sa akin nang buong puso… Magbalik-loob ka sa Panginoon na iyong Diyos na puno ng kagandahang-loob at malasakit, hindi mapagtanim ng galit.”

Ganoon din ang tono ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa—nagsusumamo daw siya sa mga taga-Korinto na kung maaari ay makipagkasundo na sila sa Diyos. Nakikiusap daw siya bilang kinatawan ni Kristo, siya na umako sa ating pagkakasala dahil sa hangarin na maituwid tayong kanyang mga minamahal.

At sa narinig nating Gospel acclamation mula sa Psalm 95, sabi ng manunulat, Kung sakali daw na sa araw na ito ay marinig nila ang kanyang tinig, huwag daw sanang magmatigas ang kanilang mga puso. Hindi ba romantic ang mga pagbasang iyan?

Sa ebanghelyo naman, paulit-ulit na ipinaaalala ni Hesus sa kanyang mga alagad ang dapat maging hangarin natin sa ating almsgiving o pagkakawang-gawa, prayer o pananalangin at fasting o pag-aayuno. Na huwag itong gagawin para magpakitang tao. Kailan nagiging totoo ang mga ito? Only if you did it for love. Di ba may isang love song sa Ingles na ganito ang sinasabi:

“Kiss today goodbye/The sweetness and the sorrow/Wish me luck, the same to you/But I can’t regret/What I did for love, what I did for love!”

Tagalugin natin:

“Humalik ka’t magpaalam sa kasalukuyan,

sa matatamis at mapapait na mga pinagdaanan

Pabaunan ako ng pagpapala, gayundin ako sa iyo,

Hinding-hindi ko pagsisisihan kailanman

ang ginawa ko sa ngalan ng pag-ibig, sa ngalan ng pag-ibig!”

Ganito rin ang paalala ng Panginoon sa atin, kung nais natin gawing totohanan ang ating Penitensya sa Kuwaresma: That we do our almsgiving, our praying and our fasting…only for love… Na gawin natin ang ating pagkakawanggawa, pananalangin at pag-aayuno alang-alang sa pag-ibig kung ibig natin na maging tunay na makabuluhan ang mga ito.

Sa PAGKAKAWANG-GAWA: Na kung magbibigay tayo, gawin nating walang hinihintay na kapalit. Kaya nga ang orihinal na salita para sa pag-ibig sa Latin ay Caritas. Hindi lang love, kundi unconditional love. Iyon ang tunay na charity—hindi ambag na pakitang tao. Walang kundisyon, walang kabayaran, taos-puso.

SA PANANALANGIN: Na matutuhan natin ang tunay na pakikipagkaisang-puso at diwa sa Diyos at sa isa’t isa sa diwa ng panalangin. Para kahit magkalayo tayo pwede pa rin manatiling magkalapit, pwedeng manatiling nakaugnay—iyun bang kahit wala ka, nariyan ka pa rin sa loob ko. We remain present even in our absence, by uniting in mind, heart and soul. Iyon ang saysay ng pananalangin.

SA PAG-AAYUNO: Na kapag tayo’y nagsakripisyo, hindi masakit, hindi mabigat sa loob, hindi pilit. Gagawin natin na kusang-loob ang maglaan, magparaya, ang maghandog. Ang alay mo ay hindi pera, hindi oras, hindi kayamanan kundi sarili, sariling dugo, luha, pawis. Iyung handa kang ibigay lahat, hindi ka takot maubos. At gagawin mo ito, alang-alang sa pag-ibig. You do it only for love.

Ito ang kahulugan ng Kuwaresma. Panahon ito ng pagsasanay, para mahubog at madalisay ang ating mga puso. Upang matuto tayong umibig at magmahal nang wagas, katulad ng pag-ibig ng Diyos na pinatunayan niya sa buhay, pagdurusa, kamatayan at pagkabuhay ng ating Panginoong Hesuskristo.

(Homiliya para sa Miyerkoles ng Abo, 14 Pebrero 2024, Mat 6:1-6, 16-18)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here