Home Opinion ‘What else is for sale at BuCor?’

‘What else is for sale at BuCor?’

646
0
SHARE

KUNG ganyang pati na r’yan ang ‘hospital pass’
na nagpapahintulot upang makalabas
ang sinumang preso para magpa- ‘check up,’
o magpa-ospital ‘for sale’ din sa lahat;
at ito’y madaling makukuha agad
gustuhin ninuman sa lahat ng oras.

Pero kapalit ay malaking halaga
na ibinabayad d’yan sa pumipirma
ng mga papeles, kung saan kasama
pati ang doktor na tumingin sa kanya,
at magpapasiya na kailangan talaga
ng sinumang preso ang ma-confi ne siya.

Kahit pa man nga ay di naman talagang
maysakit ang ‘inmate’ na pinahintulutang
makalabas, kundi nang dahilan lamang
sa pagnanais n’yan na paminsan-minsan
ang sobrang init sa loob ng kulungan,
matakasan kahit magbayad ng mahal.

Na siyang ‘side line’ naman ng ilang hayupak
na buwayang kati na ‘BuCor offi cials’
at iba pa, na di natin nilalahat
ay sugapa na sa estilong di dapat
mamayani maging sa loob at labas
ng Bilibid Prison sa lahat ng oras.

Di pa ba sapat ang ya’y sinusuwelduan
ng gobyerno para sa tungkuling tangan,
na ang malimit lang na ginagampanan
ng nakararami ay umupo lamang
ng ilang oras sa kanilang tanggapan,
partikular na ang nakakataas d’yan?

Lahat na lang yata ng uring dil’hensya
sa ‘correctional’ ay grabe na talaga
at maituturing na kasuka-suka,
ngayong kung alin ang dapat na manguna
at maging uliran sa buhay ay sila
ang sa maling landas ay nahirati na.

Kailan pa titino itong tinatawag
nating sa lipunan naligaw ng landas
na kagaya ng sa likuran ng rehas,
kung araw-araw ay napakaliwanag
nilang nakikita ang grabeng paglabag
sa batas mismo ng dapat magpatupad?

Kaya nga’t kung sadyang nais ni Pangulo
na mapabuti ang takbo ng gobyerno,
marapat lamang na sipain na nito
ang katulad d’yan ng kanyang isang tao
na nakitaan nang walang pinagbago
kahit sa alin mang sangay niya ipuesto.

Yan nang dahil na rin sa nakasanayan
na nito marahil ang sistemang ganyan,
saan man n’yan dalhin ay makahawa lang
sa ibang opisyal na kanyang daratnan;
kaya ang higit na pinaka-mainam,
ay itapon na lang niya sa kangkungan

At dahil itong ang pinakamabuting
solusyon sa ngayon mga nangyayaring
kabulastugan sa’ting pambansang karsel,
lahat ng sangkot sa gawang di magaling
pagtatadyakan na ng Pangulo natin
nang di pamarisan ng iba pang suwail!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here