Volunteer group para 2010 polls inilunsad

    383
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Matagumpay na nailunsad ang isang panlalawigang volunteer group sa Bulacan na makaka-agapay ng Commission on Elections (Comelec) para sa programang voters’ education bilang paghahanda sa 2010 automated elections.

    Ang paglulunsad ng Bulacan Citizens’ Action for Reform through Voters Education (BCARVE) ay isinagawa sa  University of Regina Carmeli (URC) sa lungsod na ito kahapon at dinaluhan ng daan-daang kinatawan mula sa ibat-ibang sektor sa lalawigan.

    Ang BCARVE ay isang volunteer organization na makakasama ng panglalawigang tanggapan ng Comelec sa pagpapaliwanag sa mga Bulakenyo kung ano ang mga proseso sa darating na 2010 automated elections.

    Bukod dito, makaka-agapay din ng Comelec ang BCARVE sa paggabay sa mga botante sa araw ng halalan sa susunod na taon.

    Ayon kay Atty. Sabino Mejarito, provincial election supervisor ng Bulacan, isang katulad na organisasyon ang kanilang binuo sa lalawigan ng Biliran noong 2007 elections, kung saan siya ang nagsilbing election supervisor.

    “Nasubukan na namin ang pagkakaroon ng volunteer group na kaagapay ng Comelec sa halalan at talagang epektibo kapag kasama sila,” ani Mejarito.

    Ipinagmalaki ni Mejarito na sa tulong ng katulad na volunteer organization, naging mabilis, payapa at malinis ang halalan sa lalawigan ng Biliran noong 2007.

    “Manual pa ang elections noon, pero naging orderly at maayos ang halalan sa Biliran dahil sa umasisting volunteer group sa amin,” aniya.

    Binigyan diin niya na hindi makakayang lahat ng Comelec ang trabaho at paghahanda sa 2010 automated elections dahil iilan lamang ang kanilang kawani.

    Kaugnay nito, binigyang diin ni Mejarito na hindi lamang proseso ng halalan ang ituturo ng mga kasapi ng BCARVE sa mga kapwa Bulakenyo.

    Sinabi niya na kailangang mapataas ang moral ng mga botante upang magkaroon ng tunay na reporma sa gobyerno sa pamamagitan ng halalan.

    “Kailangan maituro natin sa kanila ang right values, para hindi sila magbenta ng boto at ang maiboto ay ang mga kandidatong totoong maglilingkod sa taumbayan at hindi sa sariling interes,” ani Mejarito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here