“Tulad ng Showtime, tinaningan din ang Gandang Gabi Vice show ko na hanggang three years lang. Pero, fourth anniversary na ito ay malakas pa rin dahil sinusuportahan ng madlang pipol at televiewers,” aniya.
Hindi lamang pasasalamat ang handog ni Vice sa mga taong sumusuporta sa kanya. Nagsi-share din siya ng blessings na madalas ay hindi na ipinapaalam pa sa publiko.
Kaya lang, hindi mapipigilan ang mga pangyayaring nagiging saksi ang madlang pipol dito. Tulad nang mamataan ni Vice Ganda ang metro aide na nagngangalang Aida sa audience. Masayangmasaya si Aida habang nanonood kay Vice, kaya, nilapitan niya at tinanong: “Gusto mo bang palagyan kita ng ngipin?”
Bungal kasi ang metro aide na tumango nang tumango. Siempre, inokray muna niya ang pagka-bungal nito, habang niyayakap nang mahigpit na mahigpit.
Kinalingguhan, nakita uli ni Vice Ganda si Aida sa audience.
Panay-panay ang turo nito sa bago niyang ngipin, courtesy of Vice. “Maganda na po ako!” sigaw niya.
“Masaya ka na ba?” tanong ni Vice kay Aida.
“Opo, pati po asawa ko. Kaya lang, naging seloso.
Bakit daw ang tatagal-tagal kong umuwi ngayon mula sa palengke. Nagkangipin lang daw ako, nagkaganyan na. Gumanda na po kasi ako,” katuwiran ni Aida.
Isang binatilyo naman ang humingi ng tulong sa “Advice Ganda” portion ng Showtime ni Vice nung Sabado.
Natigil daw siya sa pag-aaral. “Nawala po ang scholarship ko, kaya, hindi na ako nakapag-patuloy ng high school,” patuloy ng binatilyo.
Nagbigay muna ng advice si Vice, bago niya sinagot ang problema ng binatilyo.” Pursigido ka ba na ipagpapatuloy ang pag-aaral mo?” Tumango ang kausap.
“Bibigyan kita ng scholarship sa TESDA. Mag-aral ka at saka mo ituloy ang iba mo pang pangarap.”
Ayon kay Vice Ganda, binigyan siya ng TESDA ng sampung scholarship grants na ipamamahagi sa mga karapat-dapat na tulungan. Suwerteng naging unang recipent nito ang Showtime audience ni Vice nang tanghaling iyon.