“Vested interest” nga kaya?

    362
    0
    SHARE

    ITONG ISYU hinggil kina Mayors Lacson
    ng Magalang at ni Hizon ng Bacolor
    kaugnay ng kasong ‘graft’ na diumano’y
    kinasasangkutan ng dalawang Mayor

    Kung saan itong PDEA ang nagsampa
    ng kasong naturan laban sa dalawa,
    yan base sa aking mga nakalap na
    datos, ang may ‘lapses’ ay itong PDEA

    Dahilan na rin sa puntong ginawa lang
    ni Mayor Lacson ang marapat na hakbang
    ng mga sandaling ang nasasakupan
    ay nasa panganib ang kalusugan n’yan

    Sanhi ng mabaho’t nakasusulasok
    na amoy at dumi ng baboy sa loob
    nitong ‘piggery’ na anila’y di halos
    nalinis mula nang ya’y lisaning lubos

    Ng may-ari nito at mga katulong
    na nag-aalaga sa maraming baboy;
    Kung saan ang iba’y posibleng sa gutom
    namatay nang dahil sa walang malamon.

    Mantakin mu naman kung ga’no karami
    ang mahigit sa kuatro mil na bilang pati
    ng mga inahin, biik, malalaki
    at ang bulugan ay mahigit disisyete?

    Matatandaang d’yan sa bayang Magalang
    ay natuklasan ang laboratoryo riyan
    ng bawal na gamot na napapayungan
    nitong ‘piggery’ na ginawang sangkalan

    Para maikubli ng nagpapalakad
    nitong ‘underground’ na malaking shabu lab
    ang mga pagkilos niyang labag sa batas,
    (ngunit bandang huli rin nama’y nasilat!)

    At itong PDEA ang siyang pumapel,
    pati sa di dapat saklaw ng tungkulin
    base sa info na nakalap po natin,
    na aywan kung ‘vested interest’ ang dating?

    Kung saan animo yata’y kwestionable
    sa PDEA itong mga pangyayari,
    laban sa kagalang na Alkalde
    kahit pa ma’t nagka-‘public bidding’ pati

    Pero nang dahil sa ang pag-‘dispose’ ni Mam
    o pagbenta n’yan sa baboy na naturan
    ay dumaan nga sa tamang panuntunan,
    ano ang kailangan nitong panagutan?

    Lalo’t tunay namang hindi ibinulsa
    ni Mayor Lacson ang napabilhan niya,
    kundi bagkus sa ‘trust fund’ ito napunta
    at di kaninumang indibidual aniya.

    Malinis kumbaga ang naging transaksyon
    ni Mayor Lacson at Mr. Jomar Hizon,
    kaya anong dapat ipangamba ngayon
    ng dalawa kahit saan yan humantong?

    Partikular na nga sa Alkalde mismo
    ng Bacolor pagkat ang ginamit nito
    sa paglahok n’yan sa ‘bidding’ ay pribado
    at di ang tungkulin niya sa munisipyo.

    Kundi ng ika nga’y bilang negosyante,
    na ‘part owner’ nitong Pampanga’s Best, bale
    kaya nga’t ang kasong ‘graft’ ay imposible,
    na maipataw sa butihing Alkalde?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here