UPMMG nagsagawa ng ‘drive for a cause’ para sa mga nasalanta ni ‘Pablo’

    645
    0
    SHARE

    Isa-isang ipinarada ng mga OFWs ang kanilang mga kotse at mutorsiklo sa Losail International Circuit kung saan isinagawa ang "drive for a cause" na pinangunahan ng UPMMG noong Biyernes (Dec. 14) upang tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Pablo sa Mindanao. Kuha ni Joey Aguilar

    Pinasimulan ang "drive for a cause" ng isang panalangin na nagsimula sa Doha Exhibition Center at nagtapos sa Losail International Circuit. Kuha ni Joey Aguilar

    (Hango sa BalitangQ)

    AL KHOR, Qatar – “Makapagbigay sana ng saya ngayong Pasko ang aming konting tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Pablo.” 

    Ito ang naging pahayag ni Architect Bubuy Senga, president ng Team Ground Zero, na nakaisip magfund-raising sa pamamagitan ng “drive for a cause” noong ika-14 ng Disyembre sa bansang ito.

    “Alam natin na panahon na naman ng Kapaskuhan at ito ay panahon ng pagtulong at bigayan,” ani Senga.

    Ang grupo niya ay isa lamang sa mga miyembro ng United Pinoy Motor and Motorcycle Group (UPMMG) na siyang nanguna sa pag-organisa at pagsasagawa ng nasabing proyekto.

    Anim na grupo ang sumali sa drive for a cause na nagsimula sa Doha Exhibition Center at natapos sa Losail International Circuit kung saan nagkaroon ng isang maikling programa.

    Nakalikom ng humigit kumulang sa Qatar Riyals (QAR) 4000 mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng bawat grupo. Kasama dito ang Qatar Pinoy Riders (motorcycle group), Team Ground Zero, 3 Stars Auto Group, FD Club Doha Group, Ford Qatar, CIASI 61892, SIGAC, TSoQ at Peace auto group.

    Umaasa naman sila na madami pang mga expats ang tutulong sa mga nasalanta ng mga kalamidad sa Pilipinas. 

    Ayon sa mga ulat, mahigit sa 700 katao ang namatay at daan-daan pa ang nawawala sa hagupit at malalakas na ulan na dala ni Pablo (international code name Bopha) na naging dahilan ng malalaking pagbaha.

    Ayon kay Senga, isang residente ng Lungsod ng Marikina, sila umano ay biktima din ng bagyong Ondoy na nagpalubog sa malaking bahagi ng kanilang lugar at kumitil ng mahigit 300 katao noong 2009.

    “Ang madami sa amin ay gumagasta para sa aming mga sasakyan, kaya marapat lamang na makibahagi din kami sa pagtulong sa mga nangangailangan mula sa aming kinikita,” ani ng arkitekto. 

    Nagkaroon narin ng drive at ride for a cause sa mga nagdaang taon kung saan natulungan si QPR Founder/Board Member Melvin Yadao sa kanyang pagkaka-aksidente sa mutor; tulong pinansiyal sa 10-taong gulang na si Zachary na may leukemia; sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at si Gemgem, isang mag-aaral ng Philippine School of Doha na nagkaroon din ng mabigat na karamdaman.

    Pinasalamatan naman ng mga opisyales ng QPR ang suportang ibinigay ng bawat miyembro ng kasaping grupo ng UPMMG at ang mga sponosors na tumugon sa panawagan. Kasama dito ang Filipino Community Center (FCC), Western Union, Ali Cafe, Power Horse, Diana Jewelry and Watches at si Engr. Oliver Fabros.

    Nagpakita naman ng gilas sa pagsayaw ang mga miyembro ng M2CD at Extreme Level dancers sa pagsisimula ng programa.

    Anila, nakahanda silang bumahagi sa mga pagtulong lalo na kung para sa mga kababayan sa Pilipinas na nangangailangan. 

    Ang UPMMG ay siyang tinatawag na umbrella organization ng anim na malalaking grupo ng mga Pinoy sa Qatar at maliban sa pagsasagawa ng drive for a cause ay naglalayon din magturo ng maingat at tamang pagmamaneho sa mga drayber.

    Kasabay nito ay nagkaroon din ng isang ride for a cause ang dalawang grupo ng mga siklistang Pilipino na may parehong layunin.

    Nakalikom sila ng QAR6000 at nakahandang ibigay naman sa Kapuso Foundation. Ibibigay naman ng UPMMG ang kanilang nalikom na salapi sa Embahada ng Pilipinas dito sa Qatar.

    Ayon kay Arnaiz Canlas, logistics coordinator, dalawang banyaga mula sa Czech Republic at Colorado USA ang sumali at nanalo sa patimpalak. 

    Sila ay sina Odrej Bloundek at Innes Isom na pinuri ang mga Pilipino sa pagoorganisa at pagsasagawa ng sports fest na tumutulong lalo na sa mga biktima ng kalamidad. . (Laging panatilihing makibalita sawww.balitangq.org)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here