Nasa 106 na OFWs sa POLO ang tumanggap ng Pamaskong regalo mula sa Confederation of Ilocano Association known as Samahang Ilocano o CIASI noong Biyernes. Kuha ni Joey Aguilar
(Hango sa BalitangQ)
DOHA, Qatar – Mahigit na 100 overseas Filipino workers na nasa Philippine Overseas Labour Office (POLO) ang nabigyan ng ibat ibang pamaskong regalo mula sa Confederation of Ilocano Association known as Samahang Ilocano (CIASI) noong Biyernes.
Kasabay ng gift-giving na pinamagatang “Handog Pamasko para sa mga Kabayan” ang pagpapakain ng tanghalian sa kanilang lahat.
Inawitan din ng mga miyembro at opisyales ng nasabing grupo ng kantang pam-Pasko ang mga kababayang Pinay. Marami sa kanila ay dating mga domestic helper na hindi pinalad sa kanilang mga amo at nanatili na lamang sa POLO.
Nagsimula ang isang maiksing programa sa ganap na alas-11 ng umaga kung saan mababanaag ang tuwa sa bawat OFW na tumanggap ng regalo.
Sinabi ni Melvin Yadao, tagapagtatag ng CIASI, na ang pagbibigay ng regalo at pagtulong sa mga nasabing OFWs ay isinasagawa ng kanilang grupo apat na beses sa isang taon.
“Nagkakaroon kami ng fund-raising mula mismo sa aming mga miyembro at ibinibili namin ng sabon, toothpaste, shampoo at iba pang kadalasan nilang ginagamit at ito ang madalas naming ibinibigay sa kanila,” ani Yadao na isa ring opisyales ng Qatar Pinoy Riders.
“Maliban sa personal na pangangailangan nila ay nagbigay din kami ng ibang regalo sa bawat isa sa kanila para ipahiwatig ang buwan ng Kapaskuhan.”
Dagdag pa niya na kasama sa kanilang constitution and by-laws ang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang OFWs hindi lamang sa Qatar kundi maging sa Pilipinas, Middle East at sa ibat ibang parte pa mundo.
Nabuo ang CIASI sa bansang ito noong ika-16 ng Nobyembre 2010 at nagsimula sa 14 katao lamang ang kanilang miyembro. Ngayon ay humigit kumulang na sa 200 (na mga OFWs din) ang tumutulong at nakikiisa sa adhikain ng samahan.
Sa panayam ng BalitangQ, sinabi ng dalawang OFWs na sa pagtulong ng ibat ibang grupo kagaya ng CIASI ay lalo sila umanong nagkakaroon ng pagasa na maresolba ang kani-kaniyang mga suliranin.
“Walang wala talaga kami at napaka-hirap ng aming kalagayan. Kahit pang-load lang ay wala upang matawagan sana namin ang aming mga mahal sa buhay. Pero lubos kaming nagpapasalamat sa CIASI dahil sa kanilang walang sawang pagtulong sa amin,” ani ng dalawa.
Sila ay ilan lamang sa 106 na OFWs sa POLO na umaasang makauwi ng Pilipinas. Ang iba ay ticket lamang pauwi ang kailangan upang muli nilang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Nanawagan rin ang ilan sa kanila na sana ay tulungan ng mga nanunungkulan sa kani-kaniyang mga probinsya at lungsod. Naniniwala umano sila na malaki ang magagawa ng kanilang mga gobernador at alkalde upang mapabilis ang kanilang paguwi.
Pinayuhan naman sila ng CIASI na laging manalangin at huwag mawawalan ng pag-asa.
“Manalig tayo sa Poong Maykapal at siya ay tutugon sa ating pangangailangan," ani Yadao. (Laging panatilihing makibalita sa www.balitangq.org<http://www.facebook.com/l.php?u=http%3A%2F%2Fwww.balitangq.org&h=7AQH0KGADAQFE2OKmw8D7yb6y25SiAOk-KAkpOLYvU6bWww&s=1>
)