Sino ba naman ang hindi maha-high blood
Sa pinag-gagawa ng lintik na Smart,
Na di man ‘scam’ na ating matatawag
Ay isang uri ng simpleng pangho-holdap
Sa mga consumer ng nasabing network,
Na ninakawan niyan madalas ng ‘load’
Sa kapapadala riyan ng sunod-sunod
Na ‘text’ kahit hindi natin sinasagot
Ang ‘unsolicited text’ nila sa atin
Na lalong malimit at panay ang dating
Kapag sagana sa load ang celpon natin,
Para makarami ng kaltas marahil
At ang isang lalo pang nakababanas
Ay itong ni di ka nag-placed ng tawag,
Simot na ang load mo sa mga kinaltas
Na ‘unsolicited text’ mismo ng Smart.
Para ano itong galing sa namber na
21542154 sa tuwina,
Na ‘message cannot be displayed’ naman pala;
At itong 235 na wala ring kwenta?
Kung di rin lang puedeng mabasa, eh bakit
Nila palagi nang ya’y paulit-ulit
Na pinadadala ng kung ilang beses
Sa araw-araw ng tinamanang lintik ?
Ano’t kahit hindi tayo humihiling
Ng ‘advisory’ ay pinapanay pa rin
Ang pagpapadala ng Smart sa atin
Ng ganitong ‘text’ na perwisyo ang dating?
At di lang perwisyo sa atin kung minsan
Ang ‘unsolicited text’ na padala niyan,
Kundi pati na pagtulog kadalasan
Ng consumer nila ay nabubulahaw
Eh bakit ang iba pang ‘existing network’
Ng kagaya riyan ng SUN, TM at Globe
Ay wala ng ganyang klase ng pautot
Na masahol pa sa gawang pandurukot?
Pero kumikita rin naman yan tiyak
Sa paraang tama at sadyang parehas,
At di sa ganitong estilo ng Smart
Para lamang sila tumabo ng limpak.
Ang totoo kung di lang ubod ng dami
Itong sa ‘Smart’ ko naka-phonebook pati
Ay di inabot ng ganito katindi
Ang aking inis sa network na nasabi
At matagal ko nang sinunog itong Sim
Na maya’t-maya ay istorbo sa aking
Pagsusulat at/o mga ‘daily routine,’
Bilang writer kaya di okey ang dating
Eh sino naman ang hindi mababanas
Sa text na gaya ng padala ng Smart,
Na masahol pa sa mga patalastas
Sa TV at Radio ang dating at sukat?
Sir, madam o sino ka mang kwenta otor
Ng ‘unsolicited text’ nating tinukoy,
Sana naman bigyan n’yo ng pansin itong
Aming karaingan habang may panahon
At kaya pa naming tiisin kumbaga
Ang napakabaho po ninyong sistema,
Na kagaya nitong text na walang kwenta,
Na patuloy pa rin n’yong pinadadala.
At ang masaklap ay sarili naming ‘load’
Itong sa estilo n’yong nakababagot
Ang tunay naman ding palagi ng simot,
Gayong kayo itong marapat gumastos
Sa kung anuman pong ‘business strategy’
Ng inyong kumpanya upang manatili
Ang suporta at tangkilik ng marami;
(‘But at your own expense’ hangga’t maaari!!!)