Uniporme ng 100 bus driver, konduktor natupok

    355
    0
    SHARE

    BALANGA CITY – Halos katitigil lamang ng panaka-nakang buhos ng katamtamang lakas ng ulan nang masunog Huwebes ng hapon sa lungsod na ito ang dalawang bahay at natupok ang lahat ng gamit kabilang ang mga nilabhang uniporme ng isang daang driver at konduktor ng pamasaherong Bataan Transit.

    Napigilan ang pagkalat ng apoy dahil sa mabilis na pagkilos ng mga residente sa Sitio Riverside sa Barangay Ibayo na nagtulong-tulong gamit ang mga timba sa pagkuha ng tubig sa tabi ng malaking ilog. Maliit lamang ang kalsada na tao lamang ang pwedeng maglabas-masok sa loob ng mga kabahayan.

    Walang nasaktan sa nangyaring sunog na nagsimula ng ala-1:30 ng hapon at napatay ang apoy makalipas ang 15 minuto. Ayon sa mag-asawang Deo at Carmen Dialolo, kalalabas lamang nila ng bahay nang mangyari ang sunog samantalang ang mga anak nila ay nasa paaralan.

    “Naghatid ako ng uniporme na nilabhan ng asawa ko sa terminal ng bus nang makita kong may usok. Nalaman ko na lamang na bahay pala namin ang nasusunog,” sabi ni Deo. Sinabi ni Carmen na wala silang anomang gamit na naisalba.

    Nasunog ang washing machine, plantsa, telebisyon, sopa, kutson at iba pang gamit ng mag-aanak. Ang daing ng babae ay kung paano na ang mga natupok na uniporme ng mga driver at konduktor ng bus na nilabhan niya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here