MAGALANG, Pampanga- Nahaharap sa patong-patong na kaso ang punong barangay ng Barangay Sta. Cruz ng bayang ito matapos maghain ng reklamo ang isang negosyante ng pang-aabuso sa kanyang kapangyarihan nito lamang nakalipas na Semana Santa.
Kinilala ang inireklamo na si Barangay Chairman Junnel Malonzo, matapos umanong abusuhin nito ang kanyang kapangyarihan sa kalagitnaan ng pagaayuno ng Semana Santa.
Ayon sa biktima nito na nakilalang si Trinidad Gonzales y Pamintuan, matapos umanong bigyan ng pahintulot ang huli na maglagay ng mga ‘banderitas’ sa kahabaan ng Sitio Caputut, Barangay Sta. Cruz kung saan naitayo ang ‘Pabasa’ nito, pwersahan umanong pinagtatanggal ito sa pangunguna ni Dennis Munoz, miembro ng konseho ng barangay, na ipinag-utos umano ni barangay captain Malonzo, dakong 8:30 ng umaga, Abril 13.
Nang tanungin ni Gonzales si Malonzo, bigla umano siyang itinulak sabay na sinabing “maging kapitan ka muna para magawa mo ang gusto mo!” Saksi ang ilang residente ng naturang barangay. Naganap ang insidente sa kabila ng pagsang-ayon ng ilang opisyal ng barangay sa paglalagay ng mga banderitas na sinambit pa na marapat lamang na manatili ang mga dekorasyong iyon hanggang sa kapistahan ng barangay sa Mayo 3.
Sa panayam ay Gonzales, marami na umanong pagkakataon na inabuso ni Malonzo ang kanyang kapangyarihan
bilng punong barangay. Isa na umano ang hindi pagbibigay ng Certificate of Indigency sa kanyang nasasakupan na kilala bilang taga-supporta ng kanyang mga kritiko, upang gamitin sana sa mga pribelehiyong ibinibigay ng pamahalaan kabilang na dito ang libreng pag-aaral sa sekondarya, pagpapagamot, at tulong pangpinansyal.
Naitala ang naturang insidente sa Blotter Blg. 547, Entry Blg. 0432 ng Magalang Police Office at dito ay kinasuhan ang huli ng malicious mischief, physical injury, slander by deed and unjust vexation. Si Gonzales, isang respetadong
negosyante ng naturang bayan, ay nakatakda din umanong magsampa ng kaso sa korte.