Home Headlines Ulat Katutubo, itatampok sa pagdiriwang ng 5th Padit Subkal Festival sa NE

Ulat Katutubo, itatampok sa pagdiriwang ng 5th Padit Subkal Festival sa NE

1040
0
SHARE

Si Dr. Donato Bumacas, hepe ng National Commission on Indigenous Peoples sa Nueva Ecija. (PIA File Photo)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipagdiriwang ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang ika-limang taon na Padit-Subkal Festival sa Nueva Ecija na may temang “Aming Tribo Novo Ecijano”.

Sinabi ni Donato Bumacas, hepe ng NCIP Nueva Ecija, layunin ng selebrasyon na maiangat ang kamalayan hinggil sa pamumuhay at mga ipinagmamalaking kultura ng mga katutubo sa Nueva Ecija.

Ang Padit ay hango sa salitang Kalanguya na ang ibig sabihin ay pagsasama-sama ng mga angkan para sa isang pagpupugay o selebrasyon ng tagumpay samantalang ang Subkal ay mula sa salitang Dumagat na nangangahulugang panalangin para sa isang malaking pagdiriwang.

Sa kabila ng nararanasang epekto ng pandemiya ay patuloy ang pagdiriwang ng Padit Subkal Festival sa pamamagitan ng online na may ilan lamang na dadalo sa programang planong isagawa sa Old Capitol Compound.

Dito ay itatampok ang Ulat Katutubo na paglalahad ng mga gampanin ng mga Indigenous Peoples Mandatory Representative sa buong lalawigan gayundin ng NCIP.

Isasagawa din ang re-launching ng Indigenous Peoples Multi-Stakeholders Partnership na pagpapalakas ng ugnayan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong tanggapan upang sama-samang matugunan ang mga pangangailangan at isyung kinahaharap ng sektor.

Paglilinaw ni Bumacas, ang selebrasyon ay itinataon tuwing Oktubre 29 na mismong araw na pinagtibay ang Batas Republika bilang 8371 na mas kilalang Indigenous Peoples Rights Act.

Samantala, una na ding idinaos ng NCIP katuwang ang Nueva Ecija University of Science and Technology at Central Luzon State University ang mga talakayan at pagtuturo hinggil sa mga pangunahing impormasyon tungkol sa IPRA, at ang tunay na pagkilala, paggalang sa karapatan ng mga katutubo. (CLJD/CCN-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here