LUNGSOD NG ANGELES (PIA) — Diretso nang inilalapit sa karaniwang mga mamamayan ang iba’t ibang tulong mula sa Senado ng Pilipinas ngayong inilunsad sa Gitnang Luzon ang kauna-unahang “Senate Assist” fair na ginanap sa SM City Clark.
Kabilang sa mga serbisyong iniaalok nito ang medical assistance tulad ng dialysis at chemotherapy para sa mga mahihirap na walang kakayahang makapagpagamot o makabili ng gamot.
Pinangunahan ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority Chief Operating Officer Mark Lapid, anak ni Senador Lito Lapid, ang paglulunsad ng ‘Senate Assist’ sa rehiyon.
Sinamahan siya ng maybahay ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na si Nancy at anak ni Senador Raffy Tulfo na si Maricel sa ngalan ng Senate Spouses Foundation Inc. na nagtataguyod ng proyekto.
Ipinaliwanag ni Lapid na bahagi ng itinutulong ng ‘Senate Assist’ ay nagmumula sa mga donasyon kung saan nagiging behikulo o mekanismo ang proyekto upang mas makatulong sa mga pinakamahihirap na mamamayan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang paglulunsad ng ‘Senate Assist’ ay bahagi ng pagdiriwang ng Ika-108 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Senado ng Pilipinas noong 1916.
Sinabi naman ni Arnel Jose Banas, tagapagsalita ng Senado ng Pilipinas, na bagama’t dati nang nagbibigay ng mga tulong ang bawat indibibwal na mga senador, minarapat ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na pag-isahin na lamang ang sistema sa ‘Senate Assist’ upang hindi na kailangan pang sumadya ang mga nanghihingi ng tulong sa tanggapan ng Senado sa Pasay.
Isa si Eugenia Tolentino mula sa Porac, Pampanga sa mga unang benepisyaryo ng program sa Gitnang Luzon.
“Ang inilalapit ko po dito ay ang hipag ko na naospital. Ang laki po ng aming bill nasa P100,000. Alam ko pong matutulungan ninyo po kami kaya po nagpapasalamat po kami na kayo’y nandirito para po kami matulungan,” kwento niya.
Bukod dito, nagbibigay din ang ‘Senate Assist’ ng social assistance tulad ng transport assistance o pamasahe sa mga nais umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya ngunit walang kakayahan. Gayundin ang pagkakaloob ng tulong pampalibing.
Kailangan lamang magdala ng medical abstract at barangay clearance para makatamo ng medical assistance habang kaukulang rekisito sa iba pang uri ng mga assistance. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)