PAOMBONG, Bulacan – Upang higit na mapaunlad ang turismo sa Barangay Kapitangan sa bayang ito, madalian ang isinasagawang rehabilitasyon sa mga pasilidad.
Kaugnay nito, limang deboto kabilang ang isang babae ang nakatakdang lumahok sa taunang pagpapapako sa krus sa darating na Biyernes Santo, Abril 6.
Ayon kay Jo Clemente, pangulo ng Bulacan Tourism Convention and Visitors Board (BTCVB), ang rehabilitasyon sa entablado ng kapilya ng Sto. Cristo sa Barangay Kapitangan ay naglalayon na higit na mabigyan ng espasyo o puwang ang mga kalahok, turista at mga deboto.
Ang nasabing entablado ay ang pinagtatayuan ng krus kung saan ay ipinapako ang ilang deboto bilang pagtupad sa kanilang panata.
“Halos dalawang linggo na lamang ang nalalabi sa amin para matapos ang repair at improvement sa entablado at iba pang pasilidad,” ayon kay Clemente.
Ang pagpapaayos ng pasilidad ay isinasagawa ng BTCVB sa pakikipagtulungan ni Konsehal Myrna Valencia, at ni Roman Gregorio, ang pangulo ng Samahang Katandaan ng Kapitangan.
Kabilang sa kukumpunihin ay ang entablado na ayon kina Clemente at Gregorio ay bubuwagin ang pader sa likod upang higit itong mapaluwang, at maging ang nasa likod nito ay makapanood sa taunang pagpapako sa krus.
Maging ang kanal ng irigasyon sa likod ng entablado ay nakaplano na ring takpan ng concrete slabs upang maging iyon ay magsilbing espasyo sa manonood.
Gayunpaman, sinabi nila na ang rehabilitasyon sa kanal ng irigasyon ay maaaring sa isang taon pa matapos.
“Maikli ang panahon ngayon, pero baka sa susunod na taon, tapos na yang irrigation canal,” ani Clemente.
Bukod sa pasilidad, magkakasama rin nilang inoorganisa ang daloy ng trapiko sa nasabing barangay, maging ang pagpapadaloy ng impormasyon sa mga deboto, turista at mga mamamahayag.
Bilang tagapangulo ng BTCVB, isang kaalyadong samahan ng North Philippines Tourism Bureau na inorganisa ng Manila North Tollways Corporation (MNTC), inilarawan ni Clemente na ang Kapitangan ay isang destinasyong pangturismo na hindi na kailangan ang promosyon.
Ito ay dahil sa mahabang panahon, ang Kapitangan ay dinarayo ng libo-libong deboto at mga turista tuwing Semana Santa.
Gayunpaman, sinabi ni Clemente na ang kailangan ng turismo sa Kapitangan ay organisasyon at pagpaplano upang higit itong maging kaaya-aya sa mga deboto at turista.
Sa kasalukuyan, ang pamamahala sa turismo sa Kapitangan ay nasa ilalim ng Samahang Katandaan ng Kapitangan sa pangunguna ni Roman Gregorio na nakipag-ugnayan sa BTCVB.
Sa kabila ng pagiging maliit na samahan, unti-unti namang nakagawa ng mga pagbabago ang Samahang Katandaan ng Kapitangan.
Kabilang dito ay ang konstruksyon ng pampublikong palikuran sa gilid ng entablado.
Ayon kay Gregorio, nakita nila ang kakulangan ng palikuran sa mga nagdaan taon, partikular na sa mga kababaihan, kaya’t sinikap nilang makapagtayo nito.
Nagpahayag din ng pag-aalala si Gregorio sa magiging daloy ng mga deboto at turista sa makipot na lansangan ng Barangay Kapitangan na ang pangunahing ikinabubuhay ay pagsasaka.
Ito ay dahil sa ang bukirin sa likod ng entablado at Kapilya ng Sto. Cristo ay kasalukuyang napapatubigan at natataniman ng hindi pa sumasapaw na palay.
Sa mga nagdaang taon, ang nasabing bukirin ay nagsisilbing bilang shortcut o alternatibong daan ng mga deboto at turista.
Ito ay dahil sa mga nagdaang taon ay tuyo ang nasabing bukirin sapagkat naani na ang tanim na palay.
Ayon kay Gregorio, matapos ang bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel, nagsipaghabol ng tanim ang mga magsasaka, kaya’t hanggang ngayon ay natataniman ng palay ang bukirin.
Binigyang diin din niya na nakapagtanim ang magsasaka dahil sa patubig na nagmumula sa Angat Dam na sa kasalukuyan ay nananatiling mataas ang water elevation na mahigit 200 meters above sea level kumpara sa mga nagdaang taon.
Samantala, kinumpirma ni Michael Katigbak, 29, na muli siyang makakasama ng apat pang deboto sa paglahok sa taunang pagpapapako sa krus.
Ayon kay Katigbak, ika-anim na taon na niyang pagpapapako sa krus sa darating na Biyernes Santo.
Ito raw ay bilang pasasalamat niya sa Diyos sa pagkakaloob ng kahilingan niya na magkaanak sila ng kanyang maybahay.
Ayon pa kay Katigbak, 18 taon ang kanyang panata na pagpapako sa krus, kaya’t may nalalabi pa siyang 12-taon upang ipagpatuloy ang kanyang panata.